Kadalasang ipinagkakamali sa sinusulat o binibigkas ng ilan ang pagkasangkapan sa mga salitang halimbawa ng “pangbansa” sa halip na “pambansa,” “pangpasaya” sa halip na “pampasaya,” “panglunas” sa halip na “panlunas,” “singlaki” sa halip na “sinlaki.”
Sa balarilang Filipino, may tinatawag na “morpolohiya” na tumutungkol sa pag-aaral ng mga pagsasama-sama ng tunog upang makabuo ng isang salita.
Dito papasok ang tinatawag na “morpema” na tumutungkol naman sa pinakamaliliit na yunit ng salita na may taglay na kahulugan.
Halimbawa ng mga panlapi, salitang-ugat, at ponema.
Mahalagang pagtuunan ang panlapi, tungkol ito sa mga ikinakabit sa unahan ng salitang-ugat. Halimbawa ng mga unlaping /um/, /in/, /pala/, /mag/, mga gitlaping /um/, /in/, at mga hulaping /an/, at /in/.
Bukod sa unlapi, gitlapi, at hulapi, may iba pang mga uri ng panlapi partikular ng unlapi-gitlapi, gitlapi-hulapi, unlapi-hulapi o kabilaan, at laguhan.
Batay sa mga pag-aaral at textbook na ugnay sa balarilang Filipino, nagbabago ang anyo ng isang salita dahil sa impluwensiya ng kaligiran ng morpema at ito ang tinatawag na “Pagbabagong Morpoponemiko.”
Sa ilalim nito, may tinatawag na “asimilasyon” na tumutukoy sa pagbabagong-anyo ng isang morpema dahil sa katabi nitong tunog.
May koneksyon rito ang panlaping nagtatapos sa /-ng/ halimbawa ng /pang/ na maaaring maging /pan/ o /pam/ at /sing/ na maaaring maging /sin/ o /sim/.
Bilang paglilinaw, nagbabago ang mga nabanggit dahil sa impluwensya ng mga katabi nitong tunog.
Halimbawa sila ay nagiging /pan/ o /sin/ kung ang katabing tunog na kanilang susundan ay mga katinig na: d, l, s, r, t.
Kagaya ng mga salitang:
pang + lipon + an = panlipunanpang + laban = panlaban
pang + sarili = pansarili
sing + laki = sinlaki
sing + tibay = sintibay
sing + dami = sindami
Samantala, nagiging /pam/ o /sim/ naman ang mga panlaping nagtatapos /-ng/ halimbawa ng /pang/ o /sing/ kung ang susundan nitong tunog ay mga katinig na: b, p.
Kagaya ng mga salitang:
pang + bansa = pambansa
pang + personal = pampersonal
sing + bango = simbango
sing + pulido = simpulido
Ngunit nananatili namang /pang/ o /sing/ ang mga panlaping nagtatapos sa /-ng/ kung ang susundan nitong tunog ay patinig (vowels) at mga katinig na: k, g, h, m, n, w, y.
pang + akit = pang-akit
pang + gabi = panggabi
pang + hapon + an = panghapunan
pang + nayon = pangnayon
pang + katawan = pangkatawan
sing + ayos = sing-ayos
sing + husay = singhusay
Bilang paglilinaw, may iba’t ibang uri ng asimilasyon. Ito ay ang asimilasyong parsyal o di-ganap at asimilasyon ganap.
KAUGNAY NA BALITA: BALITriviA: Paano gamitin nang tama ang ‘nang’ at ‘ng?’
KAUGNAY NA BALITA: BALITrivia: Wastong paggamit ng 'may' at 'mayroon' sa pangungusap