August 08, 2026

Home FEATURES Human-Interest

BALITrivia: Wastong paggamit ng 'may' at 'mayroon' sa pangungusap

BALITrivia: Wastong paggamit ng 'may' at 'mayroon' sa pangungusap
Courtesy: Balita

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika tuwing sasapit ang buwan ng Agosto taon-taon, higit na laging pinahahalagahan ng mga Pilipino ang pambansang wikang Filipino. 

Sa ganitong pagkakataon, laging may bigat ang pagsipat sa wastong paggamit ng wika at pagsulat ng mga salita. 

Mula sa pag-alam sa mga kahulugan at paggamit ng bawat salita, pagtukoy sa mga pangngalan (noun), pandiwa (verb), pang-abay (adverb), panghalip (pronoun), at iba pa, hanggang sa tamang pagbuo ng mga pagbuo ng pangungusap batay sa uri at elemento nito. 

Halimbawa, madalas na kapansin-pansing nagkakamali ang maraming Pilipino sa wastong paggamit ng mga salitang “may” at “mayroon.” 

Paano at kailan nga ba nararapat gamitin ang mga salitang “may” at “mayroon”? 

Human-Interest

#BalitaExclusives: ‘Sacrificial’ at ‘genuine love’ ng isang tiyuhin sa kaniyang pamilya, kinaantigan!

Batay sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), “parehong ginagamit ang mga salitang ‘may’ at ‘mayroon’ upang ipahayag ng pagkakaroon o pagmamay-ari. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari silang ipagpalit.” 

Anila, kadalasan daw na ginagamit ang salitang “may” kapag ang sumunod na salita rito ay pangngalan o noun sa Ingles. 

Ayon sa diksiyunaryo ng KWF, tumutukoy ang pangngalan bilang “bahagi ng pananalitang nagpapakilala ng entidad, penomenon, o kalagayan na sa Filipino ay karaniwang napaparami, nalalagyan ng pantukoy, at naaari."

Ang mga sumunod ay partikular na halimbawa ng pangngalang pambalana: 

bulkan 

sabon

kotse 

araw

ballpen

aso 

Kung gagamitin ang salitang “may” sa mga pangngalang pambalanang ito, maaaring maging ganito ang kanilang estruktura sa pangungusap:

“May bulkang nagbabadyang sumabog batay sa balita kaninang umaga.” 

“May sabon pa kaya akong magagamit bukas?” 

“Mag-ingat dahil baka hindi mo makitang may kotseng paparating.” 

“May araw ka rin!” 

“May ballpen ka ba riyan?” 

“Mag-ingat! May asong nangangagat!” 

Sa wastong paggamit naman ng salitang “mayroon,” nilinaw ng KWF na posible ito “kapag wala o hindi pangngalan” ang kasunod na salita. 

Dagdag pa nila, “Ginagamit din ang mayroon kapag panghalip ang kasunod.” Tumutukoy ang panghalip bilang bahagi ng pananalita na humahalili sa pangngalan. 

Halimbawa ng mga panghalip panao na “ako,” “ka,” “siya,” “tayo,” “sila,” “kayo” at iba pa. 

Kung gagamitin ang “mayroon” sa pangungusap, maaaring maging ganito ang wasto niyang estruktura: 

“Mayroon akong sasabihin sa iyo.” 

“Mayroon ka bang nais na sabihin sa akin?” 

“Mayroon kaming ensayo mamaya.” 

“Mayroon silang inililihim nang hindi mo namamalayan.” 

“Mayroon kayong gampanin na pagsilbihan ang bayan bilang opisyal ng pamahalaan.” 

Bukod sa “may” at “mayroon,” ilan din sa mga kapansin-pansing ipinagkakamali ng marami ang paggamit sa mga salitang “ng” at “nang,” “muna” at “mo na,” “ka na” at “kana.” 

Abangan ang mga susunod sa BALITrivia!