August 29, 2026

Home BALITA Metro

Street sweeper, nakaladkad ng kableng sumabit sa delivery truck

Street sweeper, nakaladkad ng kableng sumabit sa delivery truck
Unsplash

Isang senior citizen na street sweeper ang nagtamo ng mga pinsala matapos makaladkad ng ilang metro nang mahila ng isang kableng sumabit sa dumaraang delivery truck sa Valenzuela City.

Naganap ang insidente habang naglilinis ang biktima sa gilid ng kalsada. Batay sa kuha ng CCTV, makikitang bigla siyang nahila ng dumaan na truck at tumama sa isang poste bago tuluyang bumagsak at makaladkad sa kalsada.

Hindi na nakunan ng CCTV ang pagkakasabit ng kable sa truck. Ayon sa lokal na pamahalaan, hinihinalang nahatak ng sasakyan ang kable na naging dahilan upang makaladkad ang biktima.

Isinugod sa ospital ang street sweeper at kinailangan ng operasyon sa balikat. Naghihintay rin siya ng operasyon para sa kaniyang paa.

Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang Valenzuela City government at nagpatawag ng mga kinatawan ng delivery company at Meralco upang alamin ang pinagmulan at pagmamay-ari ng kable.

Metro

Mag-aaral sa University of Makati, natagpuang patay sa loob ng campus!

“We’re waiting for the full investigation kung paano napulupot sa katawan ng victim ‘yung wire na ho na iyon, at paano rin na-hookup sa bumper ng J&T without human intervention. Ang sabi ng driver, dumaan lang siya tapos parang nasabit at nahila,” ani Valenzuela Mayor Wes Gatchalian sa media.

Ayon kay Gatchalian, kailangan ding matukoy kung bakit naiwan o nakalaylay ang naturang kable sa lugar.

Sinabi rin ng alkalde na handang akuin ng delivery company ang anumang pananagutan na lalabas sa imbestigasyon.

Samantala, sinabi ng Meralco na hindi nito pagmamay-ari ang kable na hinihinalang nahatak ng truck, bagama't ang poste kung saan ito nakakabit ay pag-aari ng kompanya.

“Ang Meralco po, kanina in-investigate ko rin, what we found out is number one, the pole is owned by Meralco. But the cable, which they even brought a sample, talagang medyo makapal ‘yung cable, talagang matigas, solid ‘yung cable nito. Their statement kanina during the meeting is they don't own the cable,” ayon kay Gatchalian.

Ayon naman kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, hindi kable ng kuryente ang sangkot sa insidente batay sa paunang impormasyon.

Maglalaan ang lokal na pamahalaan ng paunang ₱200,000 para sa gastusing medikal ng biktima. Nangako rin ang LGU ng legal na tulong habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Patuloy namang nagsasagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Valenzuela City government upang matukoy at maalis ang mga nakalaylay o nakakalat na kable sa mga kalsada.