Higit na mas nagiging malalim ang pakikibaka tungo sa pagwawagi ng isang tao kung bitbit nila ang mga inspirasyong nagmula pa sa impluwensya ng kanilang mga minamahal sa buhay.
Partikular sa mga unang gumabay sa isang tao kung paano sila natutong maglakad, magsalita, lumaki, magbasa, at magsulat—ang kanilang ama o ina.
Ganito ang ibinahaging kuwento ni Rexon Gaston, ang itinanghal na “Mananaysay ng Taon 2026” ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), dahil sa isinumite niyang sanaysay at nagwagi ng unang gantimpala na may titulong “Ang Paglimot sa Panahon ng Pag-alala: Paniyaw, Ngiin, at Bain sa Panahon ng Artificial Intelligence.”
Kaugnay ito sa patimpalak ng KWF na “Sanaysay ng Taon” bilang bahagi sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Kasalukuyang Assistant Professor ng Kalinga State University (KSU) si Gaston at nagwagi na rin siya ng titulong “Most Creative Short Story of the Year” sa Instabright Third National Literary Award noong 2024.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Gaston sa pagtanggap niya ng kaniyang parangal sa KWF sa Binondo, Maynila, noong Huwebes, Agosto 27, 2026, idiniin niyang mahalaga raw ang titulong nakamit niya, hindi lang para sa kaniyang sarili kundi pati na rin umano sa probinsya ng Kalinga kung saan siya lumaki at sa KSU kung saan siya kasalukuyang nagtuturo.
“Mahalaga ito dahil ito ay hindi lang pagkilala sa aking pangalan, kundi pagkilala sa probinsyang kinalakihan ko, ‘yong Kalinga,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “And ‘yong pagkilala ko sa Kalinga State University na humubog sa akin. Mula sa aking pag-aaral ng BSED Filipino hanggang sa pagtuturo ko ngayon. Kung saan ito ‘yong naging daan upang mas makilala ang ating wikang Filipino.”
Nang matanggap ni Gaston ang parangal ng KWF para sa kaniya, makikitang tila hindi niya napigilan ang maging emosyonal.
Dahil dito, tinanong ng Balita si Gaston kung ano ang kuwento sa likod ng kaniyang emosyon sa pagtanggal ng parangal bilang “Mananaysay ng Taon.”
“Ang aking inspirasyon ay ang aking ina na namayapa noong 2019. Siya ‘yong daan kung bakit marubdob ‘yong aking pagsulat mula sa kaibuturan ng aking puso,” kuwento niya.
Diin pa Gaston, “Siya ‘yong gumagabay sa akin ngayon [at] kinikilala kong gumagabay sa aking pagsusulat.”
Mensahe ni Gaston, dapat daw na ipagpatuloy lang ng ilan ding mga manunulat na nag-aasam na itanghal bilang “Mananaysay ng Taon” ang pagsusulat ng kanilang sari-sariling kultura upang maihayag ang kanilang pagkakakilanlan.
Sa pamamagitan umano nito, mas maipapakilala nila ang kanilang mga angking wika sa buong Pilipinas.
“Patuloy lang natin na isulat ang ating kultura dahil ito ‘yong ating nagiging pagkakakilanlan. Gayon din, ito ‘yong nagiging daan upang mas makilala ang ating wika sa buong Pilipinas,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: 'Mali si VP Sara!' Tinio, pinabulaanang nakatutok lang sa Davao ang administrasyon
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: 'Flood control modus, totoong lumobo sa Marcos admin pero nagsimula ito kay Duterte!'—Tinio