Tinabla ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio ang inihayag noon ni Vice President Sara Duterte na huwag daw tumutok lang ang administrasyon sa Davao City kaugnay sa usapin ng pagbaha sa Pilipinas.
Matatandaang sinabi ito ni VP Sara sa panayam sa kaniya ng media sa San Pedro Cathedral, Davao City, noong Agosto 6, 2026, at idiniin niyang dapat daw na tutukan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang lahat ng mga kaso ng pagbaha sa buong Pilipinas, sa halip na matahan lang umano nito ang kanilang lugar.
“Dapat tutukan ng gobyerno ang baha sa lahat ng lugar ng Pilipinas, hindi lang sa Davao City. Kasi meron ding baha sa Ilocos, meron ding baha sa Pampanga, sa Bulacan,” ani VP Sara.
Kaugnay ito sa inilahad ng Pangulo noong Hulyo 28, 2026, sa muling pagsisiyasat nila sa masterplan ng flood mitigation sa Davao City noong 2023 kaugnay sa usapin ng mga kaso ng bahang nararanasan sa naturang lugar.
Anang Pangulo, minamatahan na raw nila ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa Japan International Cooperation Agency sa muling pagbubuo ang masterplan at feasibility study sa flood control projects sa Davao City upang mabawasan ang mga kaso ng pagbaha rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Gobyerno, 'di lang dapat tumutok sa baha sa Davao City’—VP Sara
Sa eksklusibong panayam naman ng Balita kay Tinio matapos niyang tumanggap ng parangal na “Gawad Carlos Padilla 2026” sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Agosto 27, 2026, tinabla niyang hindi lang naman daw sa Davao City nakatutok ang pamahalaan.
Aniya, nakamata na rin daw ang pamahalaan sa problema ng baha at flood control projects sa mga probinsya ng Bulacan at Mindoro sa layuning mapanagot ang lahat ng dapat na managot.
“Hindi naman nakatutok sa Davao City lang, e. Lahat ng sangkot, dapat managot. Bukod sa Davao, of course, nandiyan na ‘yong Bulacan, ‘di ba? May mga kaso na ngang nakasampa. ‘Yong Mindoro, nandiyan. Pero mas marami pa sa totoo lang,” pagsisimula niya.
Giit ni Tinio, inurirat na rin daw niya si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla kung bakit tila hindi umano naiimbestigahan mismo ang Palasyo, partikular sa secretaries ng mga sangkot na ahensya ng pamahalaan, Executives secretary, at iba pang mga undersecretary nito.
“Ako in particular, kahit sa kahapon sa Ombudsman ang sinabi natin dapat imbestigahan ang Malacañáng mismo. Starting with the secretaries of the departments na involved, ‘yong Executives secretary mismo, at ilang mga undersecretary,” diin niya.
Tugon umano ng Ombudsman kay Tinio, hindi nila maaaring ihayag sa publiko ang mga kilos at paraan ng kanilang pag-iimbestiga sa Palasyo at iba pang mga sangkot.
“Sinisingil nga natin ang Ombudsman kung bakit parang hindi ginagalaw ito. Ang sabi naman ng Ombudsman, hindi raw niya puwedeng i-disclose kung ano ‘yong galaw nila,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “So hopefully, ang ibig sabihin noon, meron silang ginagawang imbestigasyon na hihintayin natin ang resulta soon.”
Tirada ni Tinio, mali umano si VP Sara kung nakikita raw nitong nakatuon lang ang pamahalaan sa Davao City kaugnay sa usapin ng pagbaha at floodc control projects anomalies.
“Pero ang point, mali si Vice President Sara Duterte kung ang tingin niya ay naka-focus lang sa Davao dahil hindi totoo iyon,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: 'Flood control modus, totoong lumobo sa Marcos admin pero nagsimula ito kay Duterte!'—Tinio
KAUGNAY NA BALITA: Davao City, epicenter ng flood control projects—Ombudsman