August 28, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: 'Pagiging malikhain, mula sa imahinasyon at alaala na wala ang AI’—Mark Angeles

#BalitaExclusives: 'Pagiging malikhain, mula sa imahinasyon at alaala na wala ang AI’—Mark Angeles
Photo courtesy: Mark Angeles (FB)

Isa sa pangunahing isinusulong ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong 2026 ang integrasyon ng Artificial Intelligence (AI) upang makasangkapan ito sa pananaliksik at pagpapayabong pa ng pambansang wika ng Pilipinas. 

Tila panibagong yugto ang panahon ng pagpasok ng AI sa lipunan katulad ng naging bahagi sa kasaysayan ng pag-usbong noon ng kompyuter, cellphone, internet, at iba pang mga makabagong teknolohiyang malinaw na nakaimpluwensya sa uri ng pamumuhay ng mga tao. 

Ngunit ano nga ba ang masasabi ng isang manunulat na lumilikha ng mga akdang pampanitikan mula sa paghugot sa mga pampersonal niyang karanasan, alaala, kaluluwa, emosyon, at imahinasyon sa usapin ng integrasyon ng AI at wika? 

Sa naging eksklusibong panayam ng Balita sa guro, multi-awarded poet, kuwentista, at “Sanaysay ng Taon 2026” awardee na si Mark Angeles, matapos niyang tumanggap ng parangal sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Huwebes, Agosto 27, sinabi niyang may mga bentahe naman daw pagtangkilik sa AI. 

Aniya, maaaring makatulong ang AI sa pagsusulong sa iba’t ibang mga industriya, partikular sa medisina, finance, o maging sa digital archive. 

Human-Interest

ALAMIN: Mga indibidwal na gumagamit ng ‘alyas’

“Halimbawa sa larangan ng medisina. Kaya nitong i-predict ‘yong mga iba’t ibang sakit. Halimbawa, kung titingnan ‘yong DNA no’ng tao, ‘yong genetic sequence, kaya nitong i-predict kung magkakaroon ng cancer ‘yong tao o kung ano ‘yong specific na cancer na makukuha niya,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Sa finance naman, kaya naman nitong i-predict din ‘yong stocks, halimbawa. Sa digital archive, ganoon din, nagagamit na rin ‘yong AI.” 

Giit ni Angeles, posible naman daw na magamit ang AI sa mga teknikal na bahagi ng pagsusulat, partikular sa pagtatama ng mga baybay, bantas, gramatika, at iba pa, ngunit mahalaga umano na mas manaig ang pagkamakatao, kasaysayan, at kultura ng mismong manunulat. 

“Pero sa larangan ng malikhaing pagsulat dapat, syempre mas nananaig ‘yong humanity, ‘yong kasaysayan, at ‘yong kultura ng mga tao. Maaaring gamitin ‘yong AI doon lang sa punto ng teknikal. Halimbawa sa pag-check ng grammar, punctuation, spelling,” aniya. 

“Napakalaking bagay na hindi magagawa ng AI ay ‘yong ipasa niya ‘yong tradisyon, ‘yong diwa, ‘yong kaluluwa ng bayan—ng isang angkan papunta doon sa bagong henerasyon,” diin pa niya. 

Pagpapatuloy ni Angeles, may mas bigat umano na mula sa imahinasyon at personal na alaala ng isang manunulat ang bunga ng kaniyang pagiging malikhain, bagay na wala raw ang AI. 

“Mas malaki ‘yong bahagi na nagsusulat ‘yong tao. Dahil ‘yong pagiging malikhain, una dahil din ito sa imahinasyon, at pangalawa galing ito sa alaala,” ‘ika niya. 

“Ang AI ay wala itong alaala,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Rexon Gaston, dedikasyon sa yumaong ina ang pagwawagi bilang Mananaysay ng Taon!

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: 'Flood control modus, totoong lumobo sa Marcos admin pero nagsimula ito kay Duterte!'—Tinio