Mahilig ka bang lumantak ng banana?
Ang saging o banana sa Ingles, ay hindi lamang simpleng prutas.
Ginagamit din ito bilang rekado sa ilang mga masasarap na putahe, o kaya naman ay isang pangunahing “flavor” sa mga inumin gaya ng shake, juice, o kaya naman ay smoothie.
Isa ka ba sa mga mahilig dito?
Hindi naman kasi matatawaran ang sarap nito—lalo na ang taglay nitong tamis na nakadepende sa uri.
Madali lamang din ito kainin, sapagkat kailangan mo lamang tanggalin ang balat nito, at puwede na itong direktang kainin.
Samakatuwid, hindi komplikado ang proseso para matikman o makain ang isang banana.
Pero liban sa sarap, hindi rin magpapahuli ang saging pagdating sa health benefits!
Ayon sa medical website na Healthline, maraming evidence-based health benefits ang pagkain ng saging.
MAYAMAN SA SUSTANSYA
Batay sa ulat ng Healthline, mayroon ang isang saging ng “fair amount” ng carbs, water, fiber, at antioxidants.
Mayroon din itong kaunting protein at halos wala itong fat.
NAKAKATULONG SA PAGPAPABUTI NG DIGESTIVE HEALTH
Ang isang unripe banana ay mayroong resistant starch, isang uri ng fiber na maituturing na prebiotic.
Nakatutulong ito sa disgestion at gut ng isang tao.
Mayroon ding pectin ang mga saging, na siyang malaking tulong upang maiwasan ang constipation at pagpapalambot ng dumi.
NAKAKATULONG SA HEART HEALTH
Mayroong potassium content ang mga saging, at ayon sa Healthline, isa itong mineral na mahalaga sa kondisyon ng puso ng isang tao, gayundin sa blood pressure management.
Anang datos, nakatutulong din ang saging upang pababain ang blood pressure ng isang tao—mahalaga upang maiwasan nito ang hypertension.
MALAKI ANG BENEPISYO SA KIDNEYS
Gaya ng nabanggit, ang mga saging ay may potassium, na mahalaga rin hindi lamang sa puso, kung hindi maging sa mga bato ng isang tao.
Isang pag-aaral noong 2019 ang binanggit ng Healthline kung saan aabot sa 5,000 na indibidwal na may early stage of chronic kidney disease ang iniugnay ang potassium sa pagbaba ng blood pressure at mabagal na pag-progress ng kidney disease.
Gayunpaman, may ilang mga indibidwal na nasa late-stage kidney disease, o kaya naman ay sumasailalim sa dialysis, ang kinakailangang bawasan ang kanilang potassium intake.
MADALING IHALO SA DIET
Hindi komplikado ang mga saging, sapagkat madali lamang ito idagdag sa diet ng isang tao.
Maliban sa masarap na lasa nito, mainam din itong idagdag sa ilang healthy diet gaya ng yogurt, smoothie, o kaya naman ay cereal.
Hindi lang lasa ang pagbubutihin nito, nakakadagdag din ito sa benepisyong pangkalusugan.