Matagumpay na naibalik sa natural niyang tahanan ang isang Juvenile Asian Small-Clawed Otter o “Dungon” matapos itong matagpuan ng isang motorcycle rider sa kalsada.
Batay sa pahayag ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) Roxas, Palawan noong Miyerkules, Agosto 26, may tinatayang bigat na 200 gramo at habang 27 sentimetro ang nasagip na otter.
Anila pa, naibalik na ito sa kaniyang natural na tahanan sa Brgy. Malcampo, Roxas, Palawan noong nakaraang Huwebes, Agosto 20 sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan ng Roxas.
Sa ibinahagi pa nilang salaysay ng motorcycle rider na si Roel Labadia, agad daw siyang huminto nang makita ang otter sa kalsada habang nagmamaneho.
Ani Labadia, nilapitan daw siya ng otter pagkahinto at nagtago sa ilalim ng motorsiklo niya.
Dahil sa nakaambang panganib mula sa mga aso sa paligid, kinuha na muna ni Labadia ang otter at pagdating sa bahay niya, nakipag-ugnayan na siya sa Pinuno ng Batay Dagat/Gubat na si Ed Agarap, na nag-akyat ng ulat sa MENRO.
Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) Resolution No. 15-521, kabilang sa “Endangered Species” ang Asian small-clawed Otter habang “Vulnerable Species” itong maituturing ayon naman sa International Union for Conservation.