Hindi pangkaraniwang eksena ang sumalubong sa mga opisyal na dumalo sa isang public hearing matapos sumulpot ang isang lalaki na nakasuot ng maskara at kasuotang kahawig ng aso.
Ginawa umano ito bilang bahagi ng protesta laban sa lumalaking bilang ng mga asong gala sa lungsod at sa umano’y iregularidad sa programa ng lokal na pamahalaan para sa pagkakapon o sterilization ng mga ito sa India.
Kasama ng lalaki si Khandwa Municipal Corporation Leader of Opposition Deepak Rathore nang pumasok sila sa Khandwa Collectorate para dumalo sa lingguhang Jan Sunwai o public grievance hearing.
Una silang pinigilan ng security personnel dahil sa hindi pangkaraniwang kasuotan, ngunit kalaunan ay pinayagang makapasok matapos mamagitan ang mga opisyal.
Sa naturang pagdinig, iginiit ni Rathore na dapat siyasatin ang paggamit ng pondo para sa dog sterilization program ng lungsod.
Ayon sa kaniyang reklamo, tinatayang 40 lakh rupees o humigit-kumulang ₹4 milyon ang nagastos sa sterilization ng mga aso sa loob ng apat na taon, ngunit patuloy pa rin umano ang problema sa mga gala-galang aso.
Binanggit din niya ang umano’y 13,225 insidente ng pagkakagat ng aso sa lungsod sa parehong panahon bilang dahilan upang kuwestiyunin ang naging resulta ng programa.
Ginamit naman ang lalaking nakasuot ng dog costume bilang simbolikong representasyon ng mga asong sinasabing apektado ng problema.
Agad na kumalat sa social media ang mga larawan at video ng kakaibang protesta, kung saan makikitang tahimik na nakaupo ang lalaking nakamaskara habang nakikipag-usap si Rathore sa mga opisyal.
Samantala, sinabi ni Additional Collector Kashiram Badole na magsasagawa ng imbestigasyon sa mga alegasyon at bubuo ng komite upang alamin kung may naganap na iregularidad sa sterilization program.
Dahil sa kakaibang paraan ng protesta, naging viral sa social media ang insidente, ngunit iginiit ng mga nagprotesta na ang layunin nito ay hindi lamang makatawag-pansin kundi maimbestigahan ang umano’y problema sa paggamit ng pondo at ang patuloy na pagdami ng mga asong gala sa Khandwa.