Marahil pamilyar na ang marami sa salitang “yawa.” Isa itong ekspresyon na maririning mula sa isang tao kung siya ay galit o naiinis.
Ayon sa diksyonaryo.ph, ang kahulugan ng nasabing salita ay “demonyo” o “tao na malupit o mapangwasak.”
Ngunit bago pa man mabahiran ng negatibong impresyon ang “yawa” sa kasalukuyang panahon, bahagi ito ng pangalan ni Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata.
Isa siyang makapangyarihang binukot o babaeng maharlika na pangunahing karakter sa epiko ng mga komunidad sa Panay Bukidnon.
Kilala rin si Nagmalitong Yawa sa tawag na "Mali" na pinaiksing bersyon ng kaniyang pangalan.
Nasangkot si Mali sa iba't ibang pakikipagsapalaran gaya ng tunggalian ng mga bayani. Kabilang na rito ang pagtulong niya kay Humadapnon na nasilo at nabalot ng kakaibang mahika sa loob ng isang kuweba.
Para mapasok ang kuweba, nagpalit si Nagmalitong Yawa ng anyo at naging si Buyung Sunmasakay, isang lalaking mandirigma.
Nagawa niyang palayain si Humadapnon sa pamamagitan ng ritwal na ginawa niya para tanggalin ang sumpa o mahikang bumabalot sa bayani.
Ngunit dahil umano sa pagtatangka ng mga Kastila na makontrol ang Pilipinas noong panahon ng pananakop, tinagurian nilang may-sa-demonyo ang lahat ng hindi bahagi ng Katolisismo.
"Even a title like Nagmalitong Yawa became instantly demonic, a work of the devil," saad ni Prof. Felipe Jocano, Jr.