Isa sa mga pangunahing sakit na dumadapo sa mga Pilipino ang human immunodeficiency virus (HIV) at tuberculosis (TB).
Batay sa tala ng Department of Health (DOH) mula noong Enero hanggang Marso nitong 2026, aabot umano sa humigit-kumulang 4,633 ang bilang ng mga Pilipinong nagkaroon ng HIV. 95% o 4,381 na bilang umano rito ay mula sa mga kalalakihan, habang 252 o 5% naman mula sa mga babae.
Ayon naman sa tala ng World Health Organization (WHO) noong Nobyembre 2025, aabot umano sa 10.7 milyong ang bilang ng mga taong may TB sa buong mundo. Sa Pilipinas, tinatayang nagkakaroon ng TB ang 625 na mga Pilipino sa bawat kabuuang bilang na 100,000 na populasyon.
Sa iba pang mga kaso, may mga pagkakataong nagkakasabay ang mga sakit na HIV at TB na lubhang nagpapahina at maaari pang maging sanhi ng pagkamatay ng isang tao.
Paano nga maiiwasan o malalabanan ang pagkakaroon o paglala ng HIV at TB?
Batay sa informative video ng DOH nitong Sabado, Agosto 22, 2026, ang HIV raw ay isang sakit na umaatake at nagpapahina sa immune system ng isang tao, partikular sa tinatawag na CD4 T-cells na siyang maituturing na mga sundalo ng katawan na lumalaban sa mga impeksyon.
Anila, kapag humina ang immune system ng katawan ng isang tao dahil sa pagkawala ng CD4 T-cells, dito na raw papasok o magiging aktibo ang mga opportunistic infection halimbawa ng TB.
“Marami sa atin ang maaaring may TB bacteria na natutulog sa loob ng katawan dahil karaniwan naman itong kontrolado ng malakas na immune system. Pero dahil sa HIV na nagpapahina ng immune system, nagigising ang TB at nagiging aktibong sakit,” paglilinaw nila.
Dagdag pa nila, “Ito ay maaaring magdulot ng malubhang sintomas, kagaya ng pag-ubo na may kasamang dugo, pagbagsak ng katawan, at posibleng pagkamatay.”
Mga paraan para maiwasan ang TB at HIV?
Anang DOH, maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng HIV sa pamamagitan ng paggamit ng mga condom, lubricant, at tabletang tinatawag na pre-exposure prophylaxis (PrEP).
“Para sa HIV, nandyan ang condoms, lubricant, at maging ang pre-exposure prophylaxis o PrEP na isang tableta na 99% effective laban sa HIV,” ‘ika nila.
Para naman sa TB, inihayag nilang may tinatawag na TB preventive treatment (TPT) na pumapatay umano sa mga natutulog na TB bacteria sa loob ng katawan ng isang tao.
“Para naman sa TB, mayroon tayong TB preventive treatment o TPT para mapatay ang tulog na TB bacteria sa ating katawan,” pagtitiyak nila.
Pagpapatuloy ng DOH, maaari naman daw pagsabayin ng People Living with HIV (PLHIV) ang mga gamutang Antiretroviral Therapy (ART) at TB preventive treatment (TPT) upang epektibong mapabagal ang paglubha ng HIV at TB, at mabawasan ang panganib ng paglala ng komplikasyon sa katawan.
“Para naman sa mga Persons Living with HIV (PLHIV) ang susi ay sabay na gamutan. Ang Antiretroviral Therapy o ART para sa HIV kasabay ng TPT para sa TB ay epektibong nakakapigil sa paglubha ng parehong sakit, at nakakabawas sa panganib ng iba pang komplikasyon,” paliwanag nila.
Paalala ng DOH, libre lang umano ang mga nabanggit sa mga health centers at DOH HIV facilities upang maagapan ang mga posibleng karamdaman sakaling mahawaan ng mga naturang sakit.
“Magpakonsulta at magpa-test para sa garantisadong protesyon kontra TB at HIV,” pagtatapos pa nila.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga senyales ng landslides tuwing umuulan
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: ‘First Aid’ na kinakailangang gawin sa taong nakuryente