Dahil sa mga karanasan nilang sinubok na ng panahon, ang payo ng mga lolo at lola ay itinuturing na kayamanang walang kapantay sa mga pamilyang Pinoy.
Sila ang mga nagsisilbing historian, guro, at mentor ng kanilang mga anak at apo, at minsan sila pa ang nagiging takbuhan ng pamilya dahil sa pagmamahal na ibinubuhos nila sa pamamagitan man ito ng oras, regalo, merienda, o pocket money para sa iilan.
Bilang pagkilala sa mga karunungan at karanasan nila, nakipagpanayam ang Balita sa ilang lola sa Maynila upang ibigay ang sikreto at payo nila sa mahaba at masayang buhay.
Lola Nenita Cayanan, 86 taong gulang
Aniya, parte ng kaniyang lifestyle ay ang pagkain ng mga gulay at isda at pag-iwas sa mga karne at bisyo.
“Healthy living, walang bisyo, kumakain ako ng vegetables like saluyot, malunggay, alugbati, kalabasa. Hindi ako masyadong kumakain ng karne at baboy, more ako sa gulay at isda,” ani Lola Nenita.
Ibinahagi rin ni Lola Nenita na noong dalaga pa siya hanggang sa mag-asawa na, bagama’t nasa bahay lang siya, nananahi siya ng iba’t ibang damit at kobre.
“Noong dalaga pa lang ako nasa bahay lang ako, tumatanggap ako ng t-shirts, gowns, pangkasal, tsaka mga kobre ng kotse, lahat. Noong nag-asawa ako at lumaki na yung bunso ko, doon ako natuto manahi sa high-speed sew machine,” saad ni Lola Nenita.
Nang tanungin tungkol sa paborito niyang routine ngayong senior citizen na siya, ikinuwento ni Lola Nenita na parte siya ng isang asosasyong hawak ng National Geriatric Hospital, kung saan nagtitipon-tipon sila para alalayan, alagaan, at sumali sa iba’t ibang gawain.
“Masaya ang pagiging senior ko dahil lumalabas ako, tsaka mayroon akong grupo. Ang grupo naming seniors ang National Geriatric Hospital. Doon kami nagtitipon-tipon kung minsan sa bahay ng ka-senior ko,” ani Lola Nenita.
“Ang president namin okay, maasikaso, lagi kaming inaalalayan,” aniya pa.
Hinggil pa sa sinasamahang grupo ni Lola Nenita, binanggit niyang libre ang mga treatment, konsultasyon, at laboratory procedure na isinasagawa sa kanila ng mga doktor at nurse.
“Masaya ako maski ganito na ako, tumanda na. Mahirap man, okay lang ang buhay. Tuloy-tuloy lang,” saad ni Lola Nenita.
Payo ni Lola Nenita sa kapwa senior citizens, iwasan ang bisyo at huwag masyadong dibdibin ang mga problema sa buhay.
“Ang advice ko sa kapwa ko senior kung gusto nating mabuhay nang matagal, iwasan natin ang bisyo tsaka ang konting problema huwag nating dibdibin. Easy-easy lang, di’ba? Tsaka para maging beauty ka. Yung stress alisin mo sa buhay mo,” payo ni Lola Nenita sa kapwa niya senior citizens.
Sa kabataan naman, idinirekta niya ang payo sa mga magulang.
“Napapansin ko mga kabataan ngayon bata pa lang nabubuntis na. Mga 16, 13, 14, ganiyan buntis na. Siguro ang advice ko sa mga magulang, sa mga nanay, ituon ang atensyon sa mga anak natin. Kailangan i-guide natin sila. Mag-aral silang [kabataan] mabuti. Kailangan ituon ang pansin, atensyon natin [mga magulang,” payo ni Lola Nenita sa mga magulang ng kabataan.
“Minsan sa paligid ko napapansin ko mga magulang hindi nila inaasikaso mga anak nila. Pinababayaan nila. Kapag naging magulang ka, gawin mo pagka-magulang mo,” dagdag pa ni Lola Nenita.
Lola Lourdes Ordenes, 93 taong gulang
Ibinahagi ni Lola Lourdes na parte ng lifestyle niya ay pagiging maingat, partikular sa mga pagkain.
“Ako’y maingat. Kasi nagpa-check up ako ang sabi sa akin ang kanin ko dapat one half cup lang, sa pandesal dalawang piraso lang. Ang kinakain ko sa umaga, dalawang tinapay lang,” saad ni Lola Lourdes.
Dagdag pa ni Lola Lourdes, kumakain lang siya ng mga karneng walang taba.
“Hindi ako kumakain ng matataba. Isda lang. Kung karne, walang taba.”
Noong bata-bata naman si Lola Lourdes, ibinahagi niyang isa siyang English teacher at mahilig siyang sumayaw, kumanta, at mag-piano.
Kaya ngayong hanggang senior citizen na siya, patuloy siyang nagsasayaw ng folk dance, kung saan, nananalo raw ang kinabibilangan niyang grupo sa ilalim din ng National Geriatric Hospital.
Isa pa sa mga masayang ibinahagi ni Lola Lourdes na 69 taon na siyang kasal sa kaniyang 91 taong gulang na asawa na isang retired navy officer.
Aniya pa, hilig nilang mag-asawa ang kumanta, kung saan, ang asawa niya ang tumutugtog ng gitara.
Lola Herminia Gadduang, 76 taong gulang
Ibinahagi ni Lola Herminia na simula pagkabata, nagbabanat na siya ng buto para tulungan ang inang naghahanap-buhay.
Dahil dito sa kabila ng pagpapagal, nadala niya hanggang sa pagtanda ang ugaling pagtitiyaga at maayos na pagdadala ng mga problema.
Kaya pinayo niya sa kapwa senior citizens na iwasang magbabad sa problema, bagkus, matutong lumabas at makipag-usap sa mga kaibigan upang maalis ang iniisip sa problema.
“Huwag n’yong problemahin yung mga problema sa bahay. Mag-relax ka lang. Kung halimbawa nasasaktan ka sa mga kasama mo sa bahay, lumabas at makipagkuwentuhan ka sa mga kaibigan mo o kaya’y pumunta ka sa sine o sa kung saan para hindi ka manglata, manghina,” payo ni Lola Herminia.
Dagdag pa niya, ito ang kaniyang sikreto kaya masaya at malusog siya umabot sa edad na 76 taong gulang.
“Kaya ako umabot ng ganito, hindi ko iniisip yung mga problema. Kapag medyo nalulungkot ako, nanonood akong TV, sa cellphone. Pero lumalabas din ako, sumasama ako sa ibang kaibigan ko para mag-zumba para hindi naman ako ma-stress o manghina yung mga buto ko,” ani Lola Herminia.
Taliwas sa mga paniniwalang mahihina na ang seniors, naniniwala rin si Lola Herminia na nakatutulong ang paggawa ng mga magagaang gawaing-bahay tulad ng paghuhugas ng pinggan at paglalaba.
“Kung anong kaya mong gawin, gawin mo. Puwede ka pa naman maghugas ng pinggan, maglinis [ng bahay], maglaba kahit kaunti. Hindi ka manghihina, magiging malakas ang buto mo,” payo ni Lola Herminia.
Sa kabataan naman, payo ni Lola Herminia na irespeto ang mga nakakatanda, partikular ang mga magulang nila.
“Yung mga kabataan, huwag kayo masyadong maporma. I-respeto n’yo ang mga magulang n’yo. Mag-aral mabuti at isa pa, ang mga kabataan ngayon, iba na ang iniisip nila, binabalewala na ang mga magulang nila,” saad ni Lola Herminia.
“Kung ano yung ina-advice ng mga magulang n’yo, sundin n’yo. Hindi n’yo ‘yon ikasasama. Maging mabuti lang kayong bata sa paglaki,” dagdag pa ni Lola Herminia.