August 23, 2026

Home BALITA

Security guard na 'di pinasahod, hinostage 13-anyos na kapitbahay!

Security guard na 'di pinasahod, hinostage 13-anyos na kapitbahay!
UNSPLASH

Arestado ang isang security guard matapos umanong i-hostage ang kaniyang 13-anyos na kapitbahay sa Barangay 28, Maypajo, Caloocan City.

Bandang 8:00 ng umaga nang mauwi sa tensyon ang insidente matapos umanong mapasok ng suspek ang bahay ng menor de edad at dalhin ito sa isang bahagi ng lugar.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Caloocan City Police at mga emergency responder upang mapayapang maresolba ang sitwasyon.

Bago dumating ang mga awtoridad, sinubukan umano ng ilang kakilala ng suspek na kausapin at pakalmahin siya. Gayunman, naging bihag din umano ng lalaki ang isa sa mga lumapit sa kaniya.

Ilan sa hinihingi umano ng suspek ay ₱9,500 at pagkakataong makausap ang kaniyang pamangkin.

Probinsya

PNP, kinilala mapayapang interbensyon sa insidenteng pag-aamok sa Camarines Sur

Matapos maibigay ng mga awtoridad ang kaniyang mga kahilingan, kalaunan ay sumuko ang suspek bandang tanghali at ligtas na nailabas ang menor de edad.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na dumaranas umano ng mabigat na problema ang suspek bago ang insidente. Ayon sa mga kapamilya, nais na sana nitong makauwi sa Iloilo ngunit kapos umano siya sa pera.

Napag-alaman ding hindi pa umano natatanggap ng lalaki ang kaniyang sahod mula sa dati niyang security agency. Sinabi ng kaniyang kapatid na ilang araw din umano itong sunod-sunod na nag-duty bago nangyari ang insidente.

Nakikipagtulungan na sa mga awtoridad ang security agency na dating pinapasukan ng suspek kaugnay ng usapin sa kaniyang sahod.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek nang tangkaing hingan siya ng panig tungkol sa insidente.

Nahaharap siya sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention.