Magpapatupad ng pagbabago sa mga academic activities ang Ateneo de Zamboanga University (AdZU) sa ikaapat na linggo ng Agosto kasunod ng naganap na pamamaril sa junior high school campus nito noong Agosto 18, 2026.
MAKI-BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!
Inanunsyo ni University President Fr. Ernald Andal, SJ na walang regular academic classes para sa mga estudyante ng grade school at junior high school mula Agosto 24 hanggang 28.
Sa halip, sasailalim ang mga estudyante sa mga non-academic activity sa pamamagitan ng alternative learning arrangements mula Setyembre 1 hanggang 4.
Para naman sa senior high school, ilalaan ng mga guro at kawani ang Agosto 24 sa paghahanda para sa mga susunod na gawain.
Isasagawa naman kinabukasan ang online meeting kasama ang mga magulang at guardian.
Magkakaroon ng pinaikling online sessions sa Huwebes, Agosto 27 habang online classes naman ang isasagawa sa Biyernes, Agosto 28.
Wala ring regular academic classes para sa higher education mula Agosto 24 hanggang 28. Sa halip, lalahok ang mga estudyante at personnel sa mga nakatakdang face-to-face support activities, guided reflection at pastoral care.
Ayon kay Andal, direktang ipapaalam ng bawat academic unit sa mga estudyante, magulang at guardian ang partikular na schedule at mga alternatibong arrangement.
Mananatili rin ang psychological first aid sessions at iba pang support services para sa mga estudyante, pamilya at personnel na nangangailangan ng tulong.
Patuloy rin umano ang pakikipagtulungan ng unibersidad sa mga imbestigador, habang isinasagawa ang pagsusuri sa mga security measures ng paaralan.
Ang mga hakbang ay bahagi ng pagtugon ng AdZU sa insidente ng pamamaril na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang estudyante at pagkasugat ng isa pa.