August 25, 2026

Home BALITA Probinsya

'Youth Heroism Award,' iginawad ng DILG, NYC, sa nasawing estudyante sa Tacloban school shooting

'Youth Heroism Award,' iginawad ng DILG, NYC, sa nasawing estudyante sa Tacloban school shooting
Photo courtesy: DILG (FB)

Iginawad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at National Youth Commission (NYC) ang “Youth Heroism Award” sa nasawing mag-aaral sa malagim na insidente ng pamamaril sa San Jose National High School, Tacloban City, noong Hunyo. 

Sa pahayag ng DILG nitong Martes, Agosto 25, kinikilala sa parangal na ito ang ipinamalas na katapangan ni Chris Lorenz T. Fabian, nagsakripisyo ng buhay niya para mailigtas ang buhay ng tinatayang 30 mga kamag-aral sa pamamagitan ng pagharang sa pintuan ng kanilang classroom sa kasagsagan ng insidente para hindi makapasok ang mga armadong suspek.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Ilang detalye sa likod ng kauna-unahang school shootout sa Tacloban City

Bunsod ng nakalulungkot na pagpanaw ni Fabian at ng dalawa pang biktima mula sa malagim na insidenteng ito, nanindigan si DILG Sec. Jonvic Remulla na nararapat lamang pagtibayin ng pamahalaan at mga komunidad ang mga polisiya nila para mabigyang proteksyon ang kabataan sa mga paaralan. 

“Through our Safer School Zones and Safe Cities initiatives, the DILG commits to continue working earnestly alongside our local leaders, police forces, and educators to protect our children, strengthen security, and ensure every school gate across our region remains a barrier against harm,” ani Remulla. 

Probinsya

Lalaking may hawak na bata, tumilapon sa bundol ng motorsiklo!

Upang matiyak na wala nang pamilya ang magluluksa mula sa pagkasawi ng kanilang kaanak mula sa anumang insidente ng pamamaril, tiniyak ni Remulla na patuloy na pinangungunahan ng DILG ang pagbuo ng mas mahigpit na campus safety protocols.

Gayundin ang mas pinaigting na presensiya ng mga pulis sa mga paaralan at panghihikayat sa mga komunidad na kilalanin at agad na magsagawa ng interbensyon sa anumang banta sa buhay ng mga mag-aaral sa kanilang lugar. 

Ang paggawad ng parangal kay Fabian ay personal na dinaluhan ng kaniyang mga magulang na sina Christopher at Erbea at lolo na si Rodrigo. 

“Hindi namin alam kung paano magsimula kung wala siya, pero sa nagawa niya po, hindi na po niya naisip ang sarili niya, mas inuna niya po ang kapakanan ng iba, kaya nandidito po kami para magpasalamat po sa pagkilala ninyo sa kanya,” saad ni Erbea. 

Sa pagtatapos ng pahayag, hinikayat ni DILG ang Tacloban local government unit (LGU) at iba pang local stakeholders na kilalanin si Fabian bilang “local youth hero” na patuloy na magsisilbing inspirasyon sa mga susunod pang henerasyon at paalala sa pagpapaigting ng kaligtasan sa mga paaralan. 

Matatandaang iginawad naman ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) kay Fabian ang “Gold Gallantry and Heroism Award,” na kanilang pinakamataas na parangal sa mga miyembro ng kanilang organisasyon.

MAKI-BALITA: ‘Gold Gallantry and Heroism Award,’ ng BSP, iginawad sa ‘bayaning estudyante’ sa Tacloban

Habang ang Pampanga LGU nama’y kinilala si Fabian bilang “Pride of Pampanga bilang tubong Brgy. Lourdes, Minalin at Brgy. Dau, Mabalacat City, ang kaniyang mga magulang. 

MAKI-BALITA: Nasawing mag-aaral sa shooting incident sa Tacloban, idineklarang ‘Pride of Pampanga’

KAUGNAY NA ULAT: #BalitaExclusives: Estudyante sa Tacloban na isinakripisyo ang sarili para sa mga kaklase, binigyang-pugay ng guro!

Inirerekomendang balita