Idineklara ng Pampanga local government unit (LGU) bilang “Pride of Pampanga” ang nasawing mag-aaral at miyembro ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) mula sa malagim na shooting incident sa San Jose National High School noong Lunes, Hunyo 22.
Sa inilabas na pahayag ng Pampanga LGU noong Huwebes, Hunyo 25, sa ilalim ng Resolution No. 10319, kinikilala ang pambihirang katapangan at pagmamalakasakit ni Chris Lorenz T. Fabian upang maprotektahan ang kaniyang mga kaklase at guro sa ksagsagan ng insidente ng pamamaril sa Tacloban City.
“Opisyal na idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga, sa pamumuno ni Vice Governor Dennis “Delta” Pineda, ang yumaong Chris Lorenz Tanglao Fabian bilang “Pride of Pampanga” bilang pagkilala sa kanyang pambihirang tapang, malasakit, at sakripisyo,” pahayag ng lungsod.
“Sa gitna ng trahedya sa San Jose National High School sa Tacloban City, hindi inuna ni Chris ang kanyang sarili. Sa halip, buong tapang niyang sinubukang protektahan ang kanyang mga kaklase at guro noong June 22, 2026,” dagdag pa nito.
Sa pagkilala ring ito, binanggit na tubong Brgy. Lourdes, Minalin at rgy. Dau, Mabalacat City, ang mga magulang ni Fabian.
Kaya sa pagbisita ng ilang opisyal ng Pampanga LGU sa Tacloban City, personal nilang ipinaabot ang resolusyon, kanilang pakikiramay at tulong sa mga naulilang pamilya ni Fabian.
Sa pagtatapos ng pahayag, binanggit ng Pampanga LGU na ang pagkilalang iginawad kay Fabian ay ang itinuturing na pinakamaatas na pagkilala sa kabataang nagsilbing inspirasyon, hindi lamang sa kapwa niya Kapampangan, kung hindi pati na rin sa buong bansa.
“Sa pamamagitan ng resolusyon, ipinapaabot ng Lalawigan ng Pampanga ang pinakamataas na pagkilala sa kabataang nagsilbing inspirasyon hindi lamang sa mga Kapampangan, kundi sa buong bansa,” saad ng lungsod.
Matatandaang bilang boy scout, nagpahatid din ng kanilang pakikidalamhati ang Boy Scouts of the Philippines (BSP)-Tacloban City Council sa naulilang pamilya ni Fabian.
MAKI-BALITA: ‘Rest easy, Brother:’ BSP, nagpugay sa estudyanteng nagbuwis ng buhay sa Tacloban City
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Estudyante sa Tacloban na isinakripisyo ang sarili para sa mga kaklase, binigyang-pugay ng guro!