Nagbigay ng pagpupugay ang gurong si Mariz De Paz Alicando para sa kaniyang dating estudyante na si Chris Lorenz Fabian na isinakripisyo ang sarili para sa mga kaklase nang magkaroon ng shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes ng umaga, Hunyo 22.
Sa isang Facebook post ni Alicando noon ding Lunes, sinabi niya kung gaano kasakit para sa kaniya ang nangyari kay Chris.
“Kasakit hini nga part. Kun hin o pa an boutan ko nga studyante asya pa an gin kursunadahan [Ang sakit ng bahaging ito. Kung sino pa ang mabait kong estudyante, siya pa ang napag-initan],” saad ni Alicando.
Ayon umano sa kuwento ng mga kaklase ni Fabian, pinili umano nitong ibuwis ang sariling buhay para iligtas ang mga kapuwa estudyante.
Narito umano ang ilang chat ng mga kaklase ni Fabian: "'Grabi ma'am hi fabian gin sacrifice niya an iya life para haiya mga cm ['Grabe, ma'am. Binuwis ni Fabian ang buhay niya para sa mga kaklase niya']; 'Okay la kami maam, pero he chris Fabian waray na' ['Okay lang kami ma'am, pero si Chris Fabian wala na].'"
“Grabi Chris dire ak na expect na asya ine tak makakarawat nga mga chats tikang ha imo mga classmates nga nagin student ko ha San Jose [Grabe Chris, hindi ko inaasahan na ganito ang matatanggap kong mga chat mula sa mga kaklase mo na naging estudyante ko rin sa San Jose]," dugtong pa ni Alicando.
Sa eksklusibong panayam ng Balita nitong Martes, Hunyo 23, inilahad ni Alicando ang ginawa ng dati niyang estudyante para sa mga kaklase nito.
Aniya, “[I]la-lock niya ‘yong pinto kaso po nabaril siya kaya umatras po siya. Ta’s pinasok sila sa room para lang barilin ulit si Chris.”
“Ta’s ‘yong lalabas na sila kasama ‘yong ibang kaklase niya di na siya sumama nagpaiwan na lang po siya kasi daw natamaan na siya ng baril,” dugtong pa ni Alicando.
Dati umanong estudyante ni Alicando si Fabian nang magsilbi siyang student intern sa San Jose National High School.
Sa huli, umaasa siyang magiging inspirasyon ng iba ang katapangan at kabutihang ipinakita ng dati niyang estudyante sa panahon na pangangailangan.
Matatandaang ayon sa mga ulat, tatlong estudyante ang kumpirmadong nasawi habang limang katao pa ang sugatan. Kasalukuyan nang nasa ospital ang mga biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na dalawang armadong lalaki ang nasa likod ng pamamaril. Isa sa mga suspek ang kinilalang 15 taong gulang at residente rin sa Tacloban City.
Maki-Balita: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Nakatakda naman nang kasuhan ang pulis na may-ari ng baril na ginamit sa shootout.
Maki-Balita: Pulis na may-ari ng baril na ginamit sa Tacloban school shootout, nakaambang kasuhan!