Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na pagmamay-ari ng isang pulis ang isa sa mga armas na ginamit ng dalawang menor de edad sa pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa Tacloban City, Leyte nitong Lunes, Hunyo 22, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Sa press briefing ni PNP-Public Information Office (PNP-PIO) Col. Allen Rae Co nitong Lunes, inihayag niyang pagmamay-ari ng isang babaeng pulis ang baril na ginamit ng 14-anyos na suspek.
“Upon verification, the 9mm glock belongs or was issued to a policewoman assigned in PRO 8. The subject policewoman is now under investigation and placed under custody of regional police office,” aniya.
Napag-alaman ding mismong pamangkin ng nasabing pulis ang 14 taong gulang na suspek na sinubukan pang magtago matapos ang krimen subalit kalaunan ay naaresto rin.
Saad pa ni Co, maaaring maharap sa patong-patong na kaso ang naturang pulis kapag napatunayang kapabayaan ang dahilan kung bakit napasakamay ng suspek ang kaniyang service firearm.
Samantala, lumutang din sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad na nakarehistro naman sa isang security news agency sa Cebu ang baril na ginamit naman ng isa pang suspek na 15 taong gulang.
Ayon sa pulisya, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa nasabing security agency upang matukoy ang pagkakakilanlan ng security guard na posibleng nagmamay-ari sa baril ng 15-anyos na suspek.
Aabot sa 40 basyo ng bala ng baril ang narekober ng mga awtoridad mula sa iba’t ibang bahagi ng eskwelahan.
Matatandaang umabot sa 3 katao ang nasawi sa pag-atake ng mga suspek sa loob ng paaralan habang pito naman ang napaulat na sugatan.
Batay sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad, bullying ang tinitingnan nilang anggulo sa likod ng pamamaril ng mga suspek na nasa kustodiya nila.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Ilang detalye sa likod ng kauna-unahang school shootout sa Tacloban City