August 26, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Kilalanin si 'Let Me Explain Something' EduCreator Raymor Cuevas

#BalitaExclusives: Kilalanin si 'Let Me Explain Something' EduCreator Raymor Cuevas
Photo courtesy: Raymor Cuevas (FB)

Sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng content creators sa social media, pinili ni Raymor Cuevas, 24, na gawing mas madaling maunawaan ng publiko ang mga konsepto ng science at edukasyon.

Tubong Digos City, Davao del Sur at kasalukuyang nakabase sa Pasig City, Metro Manila, full-time educational content creator si Cuevas.

Kilala si Cuevas sa kaniyang content na "Let Me Explain Something" na nagpapaliwanag sa iba't ibang trivia at facts sa mundo ng Science at general information.

Para sa mga hindi nakakaalam, nagtapos siya ng Food Science and Technology sa University of the Philippines (UP) Mindanao, isang degree program na hindi niya unang pinili ngunit kalaunan ay naging larangan na minahal at ipinagtanggol niya.

Noong Agosto 18, 2026, ibinahagi ni Cuevas sa kaniyang social media post ang magandang balita, kung saan nakapasa siya sa licensure examination, kaya isa na siyang licensed food technologist.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Raketerong cum laude graduate, naniniwalang 'di dapat i-romanticize ang 'extreme poverty'

Isinagawa ang pagsusulit noong Agosto 12 at 13, at lumabas naman ang resulta noong Agosto 17. 

Hindi man niya orihinal na pangarap ang degree na ito, tinanggap niya ang alok ng UP upang maging "Iskolar ng Bayan" matapos siyang ma-reconsider sa UPCAT.

Dahil sa pinansiyal na hamon ng kanilang pamilya noon, malaking bagay para sa kaniya ang libreng tuition.

Pero ano nga ba ang ilan sa mga pinagdaanan ni Cuevas? 'Ika nga niya, "Let Me Explain Something!"

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Cuevas, sinabi niyang sa paglipas ng panahon, natuklasan niyang higit pa sa pagluluto ang food technology. Nakita niya ang kahalagahan nito sa food safety, public health at innovation, partikular sa pagtiyak na ligtas para sa publiko ang mga pagkaing kinakain ng masa.

Mula pandemic hanggang educational content

Noong Pebrero 2021, kasagsagan ng pandemya, nagsimula si Cuevas bilang content creator na nakatuon sa trivia at science-related content.

Nanggaling ang kaniyang inspirasyon sa isang nakitang pangangailangan: mas accessible at factual na science communication para sa mga Pilipino. Para sa kaniya, may agwat sa pagitan ng komplikadong scientific concepts at kung paano ito mauunawaan ng ordinaryong tao.

Dito niya nakita ang oportunidad na gamitin ang social media hindi lamang para sa entertainment kundi bilang isang uri ng digital classroom.

Ang kaniyang pagsisikap, kalaunan ay kinilala sa iba't ibang award-giving bodies. Kabilang sa kaniyang mga natanggap na pagkilala ang TikTok Philippines Top Education Creator of 2022, Gandingan Awards’ Most Development-Oriented Online Short-Form Series 2025, STARDOM Awards’ Most Excellent Science Research Journalist 2026, at Gandingan Awards’ Gandingan ng Edukasyon 2026.

Isa sa pinakamalaking hamon ni Cuevas ang pagsabayin ang lumalaking career sa content creation at ang paghahanda para sa board examination noong Agosto 2026.

Dahil sa dami ng partnerships, events at iba pang gawain na konektado sa kaniyang career, aminado siyang muntik na niyang hindi ituloy ang pagsusulit dahil sa takot na hindi siya sapat na handa.

Nakatulong umano sa kaniya ang suporta ng kaniyang pamilya, mga kaibigan, Victory BGC family at mga mentor gaya nina Ms. Jacque Manabat at Ate Shayne Funcion, na patuloy na nagpaalala sa kaniya na hindi siya nag-iisa sa proseso.

Para naman sa review, nag-enroll siya sa Quantum Review Center. Bagama't anim na buwan ang kabuuang review program, kinailangan niyang pagkasyahin ang kaniyang paghahanda sa wala pang 20 araw dahil sa kaniyang abalang schedule.

Hindi naging madali ang paghihintay sa resulta. Ngunit nang malaman niyang nakapasa siya, hindi niya napigilan ang kaniyang emosyon.

“Sobrang kinakabahan talaga akong nung naghihintay sa result. Pero all in all, sobrang saya ko na I even jumped for joy and cried out—I was with my friends when I found it out," aniya.

Ngayong isa na siyang licensed professional, plano ni Cuevas na ipagpatuloy muna ang kaniyang career bilang content creator habang mas pinalalawak ang kaniyang papel sa larangan ng edukasyon.

Hindi niya isinasara ang posibilidad na balang araw, bumalik siya sa kaniyang academic roots at tahakin ang career sa academe, partikular sa larangan ng Food Science.

Para sa kaniya, ang pagiging licensed professional ay hindi lamang titulo. Maaari rin itong magbigay ng dagdag na credibility at substance sa kaniyang mga itinuturo online, lalo na sa food science.

‘Learning never stops’

Sa mga naghahanda naman para sa kanilang sariling board examination, hindi perfection ang pangunahing mensahe ni Cuevas kundi pagtanggap sa proseso.

“Embrace the feeling of being lost because it's part of the process of finding the right formula for your life. Take your time, trust your hard work, at tandaan na learning never stops even after you get that license," aniya.

Para naman sa mga nais sundan ang kaniyang yapak bilang educational content creator o "EduCreator," simple ang kaniyang paalala: unahin ang factual research at gawing masaya at accessible ang pagkatuto.

“Always prioritize factual research and make learning fun and accessible for your audience," pahayag niya.

Higit sa mga award at titulo, nais ni Cuevas na manatiling nakaugat ang kaniyang content sa isang layunin—ang magbigay-kaalaman, magmulat ng curiosity at magdagdag ng halaga sa feeds ng mga taong naaabot niya.