July 26, 2026

Home BALITA Politics

San Juan City Mayor Zamora, sinagot kung ano plano niya sa 2028!

San Juan City Mayor Zamora, sinagot kung ano plano niya sa 2028!
Photo courtesy: MB file photo

Hindi pa nagbibigay ng malinaw na sagot si San Juan City Mayor Francis Zamora kaugnay ng mga usap-usapang posibleng pagtakbo niya sa mas mataas na posisyon sa 2028, kabilang ang pagiging kandidato sa Senado.

Sa panayam ng isang news program kay Zamora noong Biyernes, Hunyo 19, 2026, sinabi ni Zamora na mas nakatuon siya sa pagtatapos ng kaniyang huling termino bilang alkalde ng San Juan kaysa sa pagtalakay sa kanyang mga planong pampulitika sa susunod na halalan.

“I’m focused on finishing my term strong because I know na itong pagkakataong ibinigay sa akin … alam niyo, pinaghirapan ko ito,” ani Zamora.

Nasa ikatlo at huling magkakasunod na termino na si Zamora bilang alkalde ng San Juan, kaya hindi na siya maaaring muling tumakbo sa parehong posisyon sa 2028 dahil sa limitasyon ng batas sa termino ng mga lokal na opisyal.

Bukod sa kaniyang tungkulin sa San Juan, kasalukuyan ding nagsisilbi si Zamora bilang national president ng League of Cities of the Philippines at chairman ng Metro Manila Council.

Politics

'Mas importante sa kanila sikmura!' SP Win, nagkomento sa mababang ratings ni PBBM!

“I’m honored that I have been entrusted with these two very vital positions,” saad niya.

“Isipin ninyo, 149 city mayors yan from all over the country and all 17 Metro Manila mayors,” dagdag pa ng alkalde.

Sa kabila ng lumalakas na espekulasyon hinggil sa kaniyang susunod na hakbang sa politika, nanatiling tikom si Zamora sa posibilidad ng pagtakbo sa anumang pambansang posisyon.

Hindi rin siya nagbigay ng pahiwatig kung sino ang nais niyang maging kahalili sa pamumuno ng San Juan City sa oras na matapos ang kanyang termino.

“We have not determined yet,” ani Zamora.

“Basta susundin niya itong governance framework na ipinapatupad natin, tiwala ako na papagkatiwalaan din ito,” dagdag niya.

Sa mga nakalipas na taon, nakilala si Zamora sa pagpapatupad ng iba't ibang programa sa imprastraktura, kalusugan, edukasyon at digital governance sa San Juan. Dahil dito, patuloy siyang itinuturing na isa sa mga lokal na opisyal na posibleng magkaroon ng mas malaking papel sa pambansang politika sa mga susunod na taon.

Gayunman, iginiit ng alkalde na sa kasalukuyan ay nakatuon muna siya sa pagtupad sa kanyang mga responsibilidad at pagtatapos ng kaniyang termino nang may matibay na record ng serbisyo publiko.