Eksaktong 128 na taon na ang nakalipas nang iwagayway ni Heneral Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas sa balkonahe ng kaniyang bahay noon sa Kawit, Cavite, noong Hunyo 12, 1898.
Tanda ito ng proklamasyon niyang aktuwal nang malaya ang Pilipinas mula sa pananakop ng mga imperyalistang dayuhan, partikular ng mga Espanyol.
Mahigit 300 taon nanatili ang mga Espanyol simula nang madiskubre ng maglalayag na si Ferdinand Magellan ang bansa. Sa pinakapuntong ito, nagkaroon ng tala ang kasaysayan ng Pilipinas.
Ilang mga bayani kaya na nakilala at hindi nakilala ng publiko ang umusbong sa mahigit tatlong siglong ito kung saad walang sariling kalayaan sa sariling lupa ang mga Pilipino.
Kung hindi kaya sinulat ni Rizal ang mga nobela niyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo upang magbulag-bulagan na lang, kung hindi kaya uminit ang dugo ng mga Pilipino nang bitayin siya sa Bagumbayan at pangunahan ni Andres ang rebolusyon, kung hindi kaya nagsugal ng buhay ang mga naunang bayani, matatamasa pa rin ba natin ang kalayaan sa kasalukuyan?
Kung mabubuhay ang mga dakilang bayani at makikita nila ang kalunos-lunos na kalagayan ng Inang Bayan na inalayan nila ng kanilang mga dugo luha, ano kayang mararamdaman nila?
Napakaraming mga politiko ang nasasangkot sa korapsyon mula sa pagkamkam ng kaban ng bayan para lang sa kanilang mga pansariling interes.
Kung ang gobyerno ang sentro ng pag-unlad ng bansa, bakit ang tagal-tagal nang pinoproblema ng taumbayan ang pamahalaang sila sana ang magiging susi para magkaroon ng sukli ang sinugal na buhay ng mga naunang bayani?
Partikular sa Senado, matatandaang tila naging magulo ang mataas na kapulungan ng Kongreso noong Mayo 11, 2026, nang muling nagpakita at dumalo sa sesyon ang humigit-kumulang anim na buwang absent na si Sen. Ronald “Bato” de Rosa.
Mula rito, naganap ang kudeta nang makakuha si Sen. Alan Peter Cayetano ng 13 mula sa mga kapuwa niya senador para palitan si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Gabi ng Mayo 13, ginulantang ng magkakasunod na putok ng baril ang publiko at media sa Senado mula sa mga opisyal ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) kontra sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).
Madaling-araw noong Mayo 14, matagumpay na nakaalis sa Senado at nakatakas sa mga awtoridad si Dela Rosa sa kabila ng nakaambang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
Nahati sa dalawang paksyon ang Senado mula sa pangunguna ni Cayetano at ng “SB 11” o Solid Bloc 11.
Mayo 11, nag-walk out sa sesyon ng Senado ang mga miyembro ng Solid Bloc 11 upang mariing tanggihan ang apela ng ilang mga senador sa pagbabago ng Senate Ruling para payagang makadalo ng sesyon sa pamamagitan ng teleconference ang ilang mga senador.
Umabot sa kabuuang bilang 20 na Facebook live ang ginawa ni Cayetano mula nang maupo siya bilang Senate President hanggang sa unang mga araw ng buwan ng Hunyo, tila mas marami ito sa nagawa nilang sesyon sa Senado.
Hunyo 3, kusang sumuko sa mga awtoridad si Sen. Jinggoy Estrada dahil sa pagkakasangkot niya sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan, pangatlong kaso na niya ito magmula noong masampahan siya ng plunder noong 2001 kasama ng kaniyang ama na si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Dahil dito, hindi pumasok ang mga miyembro ng Cayetano bloc sa sesyon ng Senado sa loob ng dalawang araw mula noong Hunyo 1 hanggang Hunyo 4 dahilan para maantala ang kanilang mga nakatakdang trabaho bilang mga mambabatas.
Hunyo 3, nakakuha ng quorum ang mga senador nang biglang mag-over-the-bakod si Sen. Chiz Escudero papunta sa Gatchalian bloc at mahalal bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian.
Hanggang ngayon, hindi pa rin bumabalik at nakukumpleto ang mga senador sa Senado. Tila magkakaaway pa rin. Hindi magkaintindihan.
Habang sinusulat ito, aabot na sa humigit-kumulang ₱18.13 trilyon ang utang ng Pilipinas. May utang na kailangang bayaran ang lahat.
Tila hindi pa rin magkasundo ang dalawang pinakamataas na opisyal sa bansa na sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Vice President Sara Duterte.
Bukod sa mga nabanggit, sandamakmak pa rin ang problema ng bansa na patuloy na pinapasan ng maraming Pilipino dahil sa kawalan ng hanapbuhay, gutom, at iba’t ibang mga krisis na kinaharap ng Pilipinas.
Sadlak pa rin ang mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani, sa Mindanao noong Lunes, Hunyo 8, at ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) habang sinusulat ito, umabot na 55 ang kabuuang bilang ng namatay.
“Kalaban ang kalaban, kalaban ang kakampi,” ‘ika nga ng aktor na si John Arcilla nang gumanap siya bilang si Heneral Antonio Luna.
Kung muling magbabalik ang mga bayaning nagsakripisyo para sa kasarinlan ng Pilipinas, partikular ni Rizal, muli kaya siyang magsusulat ng nobela para imulat ang isipan ng marami o tatahakin na lang niya ang kaniyang propesyon sa optalmolohiya?