Maraming makasaysayang pangyayari ang naganap sa buwan ng Agosto sa Pilipinas—Sigaw sa Pugad Lawin, kapanganakan nina dating Pangulong Manuel Quezon at Corazon Aquino, pagpapatupad ng Jones Law, pagpaslang kay dating Senador Benigno Aquino, Jr. at marami pang iba. Sa buwan ding ito ginugunita ang Araw ng mga Bayani.
Kaya naman hindi nakapagtatakang ito ang naging tuntungan ng Presidential Proclamation No.339 series of 2012 na pinirmahan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III para ideklara ang Buwan ng Kasaysayan na noo’y Linggo ng Kasaysayan lang. Ipinagdiriwang ito dati tuwing Setyembre 15 hanggang 21.
Ngunit sa kasalukuyan, kasabay na nitong ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika. Sa Pilipinas, tila natatangi ang salitang “kasaysayan” kumpara sa katumbas nitong “history” sa Ingles.
Magkaiba kasi ang cultural context ng dalawa. Batay sa paliwanag ng public historian na si Dr. Xiao Chua, ang history—na galing sa konsepto ng Kanluran—ay mas nakasandig sa mga salaysay na nakatala.
Ang problema raw sa ganito, lalo na kung ilalapat sa konteksto ng Pilipinas, nagiging eksklusibo ang salaysay ng nakaraan sa mga nakapag-aral at marunong sumulat. Hindi kagaya ng “kasaysayan” na binubuo ng mga kuwento o salaysay na may kahulugan, katuturan, kabuluhan, at kahalagahan.
“Ibig sabihin, hindi kailangan na nakasulat ang kasaysayan. Maaaring ito ay pasalita [...] Dahil ang mga Pilipino, sa matagal na panahon, nagsasalita sila o nagsasalaysay sila ng kasaysayan sa pamamagitan ng pasalitang tradisyon,” saad ni Chua sa kaniyang talk sa ginanap na Atimonan Book Fair noong 2024.
Pero paglilinaw niya, bagama’t magkaiba ang kahulugan ng dalawang nabanggit na salita, puwede pa rin naman daw gamitin ang “history” bilang katumbas na salin ng “kasaysayan” sa Ingles.
Ayon sa kaniya, “Hindi magbabago na ‘history’ ang katumbas ng ‘kasaysayan.’ Kailangan lang nating makita na ang bawat depinisyon ay may kontekstong kultural."
Ngayong taon, nakasentro ang tema ng Buwan ng Kasaysayan sa "Hinubog ng Bayan, Dinuyan ng Alon.”
Binibigyan-diin daw ng temang ito ang mahalagang papel na ginagampanan ng dagat sa paghulma hindi lang ng kasaysayan ng bansa kundi pati ng kultura at pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
Isang arkipleagong bansa ang Pilipinas. Binubuo ito ng 7,641 isla at nahahati sa tatlong heograpikal na rehiyon—ang Luzon, Visayas, at Mindanao.
Bagama’t pinaghihiwalay ang mga lugar ng dagat, pinag-uugnay din naman nito sa kabilang banda ang mga mamamayan. Bago pa man dumating ang mga mananakop sa kapuluan, nakikipagkalakal na ang mga sinaunang Pilipino sa iba nitong mga karatig-bansa sa pamamagitan ng paglalayag.
Sa katunayan, ayon sa professor at archaeologist na si Peter Bellwood, nag-umpisa umanong maging sopistikado ang kultura sa paglalayag nang maimbento ng mga sinunang Pilipino ang outrigger canoe o bangkang may katig.
Ito umano ang dahilan kung bakit lumaganap ang lahing Austronesian sa buong Timog Silangang Asya gayundin sa Pacific Island, New Zealand, Hawaii, at hanggang Africa.
Samantala, sa libro namang “Lost Discoveries: The Ancient Roots of Modern Science—from the Babylonians to the Maya” ni Dick Teresi, kinilala ang malaking ambag ng antigong kaalaman ng mga Pilipino sa paggawa ng bangka at paglalayag.