Isiniwalat ng Malacañang na kusang nag-resign si outgoing Department of Health (DOH) Secretary Dr. Jose Pujalte, Jr. dahil umano sa kalusugan niya.
Kasunod ito ng pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kay PhilHealth acting president at Chief Executive Officer (CEO) Dr. Edwin Mercado bilang bagong kalihim ng Health department.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Si Dr. Edwin Mercado, ang bagong DOH secretary-Balita
“Ang naipaabot sa atin ay kusang nag-resign si Dr. Pujalte, si Secretary Pujalte dahil na rin sa kaniyang kalusugan,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Lunes, Agosto 10.
Natanong din siya kung may kinalaman ba ito sa mga isyung kinahaharap ng outgoing DOH secretary.
“Sa ngayon ay hindi po natin masasagot; siya naman po ang boluntaryong nag-resign, at ito naman po ay tinanggap ng ating Pangulo,” aniya.
Sinagot din ng press officer kung ipu-pursue ba ng pamahalaan ang imbestigasyon hinggil sa mga umano’y claims at complaints laban sa dating kalihim ng DOH.
“Kung ito naman po ay nakasampa na po sa Ombudsman, nasa kamay na po ng Ombudsman ang pag-iimbestiga kung ano man po ang naireklamo laban kay dating Secretary Pujalte,” anang press officer.
Natanong din si Usec. Castro patungkol naman sa initial marching orders ni PBBM para kay Dr. Mercado.
“Gano’n pa rin po; dahil ang nais po ng Pangulo ay unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan pagdating po sa kanilang kalusugan,” aniya.
“At hindi naman din po bago si Dr. Mercado dahil siya rin po ang tumayo na President and CEO ng PhilHealth, so alam po ni Dr. Mercado ang gusto at nais ng Pangulo para sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Usec. Castro.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si Dr. Jose Pujalte, Jr., ang bagong DOH secretary-Balita