Sa ikinasang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Hulyo 13, inanunsyo ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na mayroon nang bagong kalihim ang Department of Health (DOH).
Kasunod ito ng pag-re-resign ni ex-DOH Secretary Ted Herbosa dahil umano sa kalusugan nito, na kinumpirma mismo ng Palasyo.
Ayon kay Usec. Castro, hahalili sa posisyon ni Herbosa si Dr. Jose Pujalte, Jr. bilang bagong kalihim ng naturang ahensya.
“Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ngayong araw bilang kalihim ng Department of Health, si Dr. Jose S. Pujalte, Jr.,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “Baon ang malawak na karanasan at natatanging pamumuno bilang doktor, hospital administrator, guro, at lingkod-bayan na may mahigit na tatlong dekada sa pagsusulong ng pampublikong pangkalusugan.”
Dahil dito, sino nga ba ang bagong kalihim ng DOH na si Dr. Jose Pujalte, Jr.?
Si Dr. Pujalte, Jr. ay nauna nang naging parte ng DOH noong taong 1991, at tinapos ang kaniyang orthopedic residency sa Philippine Orthopedic Center noong 1994.
Nagtapos siya ng kaniyang Doctor of Medicine sa University of the Philippines (UP) College of Medicine.
Nakuha rin niya ang Master’s in Hospital Administration sa Ateneo Graduate School of Business.
Siya rin ay isang Career Executive Service Eligible simula pa noong 2008—na siya ring in-appoint bilang Medical Center Chief II ng Philippine Orthopedic Center noong 2014.
Nanilbihan din siya bilang guro sa UP Manila, Far Eastern University - Dr. Nicanor Reyes Medical Foundation (FEU-NRMF), at San Beda College of Medicine.
Sa usaping pamumuno, humawak na rin ang doktor ng iba’t ibang posisyon mula sa iba’t ibang asosasyon at organisasyon.
Siya ay dating pangulo ng Philippine Orthopedic Association at ASEAN Orthopedic Association.
Si Pujalte rin ay ang founding president ng Philippine Shoulder Society at founding member naman ng Philippine Spine Society.
Ayon sa Palasyo, inaasahan nilang pangangasiwaan ng bagong kalihim ng ahensya ang pagpapatuloy ng mga hakbangin ni PBBM ukol sa lalong pagpapatatag at pagpapaigting ng healthcare system sa bansa.