August 09, 2026

Home FEATURES Human-Interest

‘Tsundoku:’ Ang kultura at habit ng pangongolekta ng mga libro

‘Tsundoku:’ Ang kultura at habit ng pangongolekta ng mga libro
Photo courtesy: Unsplash

Patong-patong na mga librong inaalikabok sa estante?

“To-be-read” list na nadadagdagan lang at hindi nababawasan? 

Ang mga gawaing ito na pangongolekta ng mga libro ay maituturing na “guilty pleasure” ng maraming bookworms dahil sa kakaibang kasiyahang naidudulot nito. 

Sa kulturang Hapon, kilala ang gawaing ito bilang “Tsundoku.” 

Ayon sa Cambridge Dictionary, ang “Tsundoku” ay ang pagbili ng maraming libro at pagtambak sa mga ito sa layong isa-isang basahin ang mga ito ngunit hindi mahanapan ng oras na matapos o masimulan. 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Pharmacy-themed card game na likhang Pinoy, mas pinadali pag-aaral ng gamot

Batay naman sa pag-aaral na inilathala ng British Broadcasting Corporation (BBC), mula sa salitang ito ay nabuo ang parilalang “tsundoku sensei” noong 1879 na tumutukoy sa gurong may maraming libro ngunit hindi ito binabasa. 

Bagama’t madaling magdulot ng impresyong pagsasayang lamang ito ng espasyo, pera, at mga aklat, ang Tsundoku ay walang negatibong konotasyon dahil para sa ilan, ito ay ang paglalaan ng tahanan sa mga aklat hanggang sa mapagpasyahang buklatin na ang istoryang nilalaman nito para basahin. 

Siyensya sa likod ng Tsundoku

Ayon sa Mind Seek, ang pagbili ng mga aklat para sa marami ay nagdudulot para maglabas ng “dopamine” hormone ang kanilang utak na kilala rin bilang “feel-good” chemical. 

Nagmumula ito sa antisipasyon ng pagkatuto o kaya’y pagbasa ng isang nakasasabik na istorya. 

Kasama rin dito ang pagkakaroon ng “Optimism Bias” o ang paniniwalang mas magkakaroon ng mataas na motibasyon ang sariling tapusin ang aklat sa hinaharap. 

Ang “identity building” kung saan nakakakuha ng kasiyahan ang isang indibidwal sa ideya pa lamang ng pagiging isang mambabasa. 

Ang “Fear of Missing Out” o “FOMO” na nagdudulot ng pagkabalisang makaligtaan ang ilang magagandang aklat. 

Ang “Decision Fatigue” na nagdudulot ng pakiramdam na mas madaling bumili ng aklat kaysa basahin ito. 

Panghuli ay ang “Completion Guilt Loop” na nakukuha sa pagsisimula ng pagbabasa ngunit pagkawala ng interes dito sa kalagitnaan kaya muling naghahanap ng panibagong pagsisimula ang isip. 

Ano ang itinuturong aral ng Tsundoku? 

Ayon sa ilan pang pag-aaral, nakukuha ng Tsundoku ang sayang nadudulot ng pangongolekta ng aklat para sa maraming mambabasa dahil ang mga aklat ay isa sa mga aspetong sumasalamin sa interes ng isang indibidwal. 

Bukod dito, ang mga aklat din ang nagsisilbing koleksyon na nagpapakita ng iba’t ibang emosyong bumubuo sa pagiging tao tulad ng takot, lungkot, saya,  panghihinayang, at pananabik.