August 02, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: Hindi kalaban kundi katuwang! Tema ng Buwan ng Wika, ipinaliwanag ng propesor sa Filipino

#BalitaExclusives: Hindi kalaban kundi katuwang! Tema ng Buwan ng Wika, ipinaliwanag ng propesor sa Filipino
Photo courtesy: Mark Jhon Prestoza/Komisyon sa Wikang Filipino (FB)

Sa pag-usbong ng Artificial Intelligence (AI), marami ang nangangamba na baka unti-unti nitong mapalitan ang tao—maging sa larangan ng edukasyon, pananaliksik, at maging sa paggamit ng wikang Filipino.

Ngunit para kay Dr. Mark Jhon Prestoza, kawaksing propesor, direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng Isabela State University, at Ulirang Guro sa Filipino ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2021, hindi AI ang tunay na usapin.

Ang mas mahalagang tanong, aniya, ay kung ano ang maituturo ng mga Pilipino sa AI.

Ang tema ng Buwan ng Wika para sa taong ito ay “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dr. Prestoza, ipinagdiinan niyang ang AI ay walang sariling karunungan; umaasa lamang ito sa datos, impormasyon, at kaalamang nililikha at ibinabahagi ng tao.

Mga Pagdiriwang

#BALITriviA: Isa ka rin ba sa nalilito sa pinagkaiba ng wika at diyalekto?

Kung nais aniyang tunay na maunawaan ng AI ang Pilipinas, hindi sapat na maturuan lamang itong magsalita ng Filipino.

Kailangan din nitong matutuhan ang kasaysayan, panitikan, kultura, katutubong wika, at mga pagpapahalagang Pilipino.

"Para sa akin, ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 ay hindi lamang nagtatanong kung ano ang maitutulong ng Artificial Intelligence sa wikang Filipino. Mas mahalagang itanong: Ano ang maituturo natin sa AI? Sapagkat ang Artificial Intelligence ay walang sariling karunungan. Natututo lamang ito mula sa kaalamang nililikha ng tao, sa datos na ating ibinabahagi, sa wikang ating isinusulat, at sa kulturang ating isinasabuhay," aniya.

Filipino bilang wika ng pananaliksik

Para kay Prestoza, nararapat na maging wikang lumilikha ng kaalaman ang Filipino, at hindi lamang wikang nagsasalin ng impormasyon mula sa ibang bansa.

Aniya, malaking tungkulin ng mga guro, mananaliksik, at mga institusyong pang-edukasyon ang patuloy na pagbuo ng de-kalidad na pananaliksik, glosaryo, diksyunaryo, literatura, at iba pang sanggunian sa wikang Filipino.

Kapag mas marami ang mga akademikong materyal na nalilikha sa sariling wika, mas magiging mayaman din ang impormasyong maaaring matutuhan ng AI.

Sa ganitong paraan, hindi lamang nakikinabang ang tao sa teknolohiya—nagiging bahagi rin ang Pilipinas sa paghubog ng direksyon nito.

"Dito nagsisimula ang ating pananagutan bilang mga guro, mananaliksik, tagapagtaguyod ng wika, at mga institusyong pang-edukasyon. Ang hamon ay hindi lamang ang paggamit ng AI bilang kasangkapan sa pananaliksik. Ang higit na mahalagang tungkulin ay ang paglikha ng mga de-kalidad na pananaliksik, glosaryo, diksyunaryo, literatura, at iba pang korpus ng kaalaman na magsisilbing batayan ng responsableng pagkatuto ng AI. Ang teknolohiya ay magiging matalino lamang batay sa talinong ating iniaambag dito," saad niya.

AI bilang katuwang, hindi kapalit

Bagama't bukas si Prestoza sa paggamit ng AI sa mga paaralan, nilinaw niyang hindi ito dapat maging kapalit ng guro o ng proseso ng pagkatuto.

Sa halip, maaari itong magsilbing katuwang sa pananaliksik, pagtuturo, at paglikha ng kaalaman.

Gayunman, iginiit niyang nananatiling mahalaga ang kritikal na pag-iisip, pagkamalikhain, at integridad akademiko.

Dagdag pa niya, maaaring makapagbigay ng mabilis na sagot ang AI, ngunit ang edukasyon pa rin ang humuhubog sa kakayahan ng tao na magtanong, magsuri, at magpasya.

Hindi neutral ang AI

Binigyang-diin din ng propesor na hindi dapat basta-basta pagkatiwalaan ang lahat ng impormasyong inilalabas ng AI.

Aniya, nakabatay lamang ito sa kalidad ng datos na pinanggagalingan nito.

Dahil dito, mahalagang maging inklusibo ang mga korpus ng wikang ginagamit sa AI upang maipakita ang iba-ibang kultura, rehiyon, at katutubong wika sa Pilipinas. Kasabay nito, dapat ding igalang ang karapatan ng mga mananaliksik, manunulat, at mga pamayanang pinagmumulan ng kaalaman.

"Kasabay nito, dapat nating kilalanin na ang AI ay hindi neutral. Taglay nito ang mga limitasyon ng datos na pinagmumulan nito at ang mga pagpapahalagang isinasaloob ng mga sistemang lumilikha rito. Kaya naman, nararapat lamang na maging mapanuri tayo sa paggamit nito. Kailangang maging inklusibo ang mga korpus ng wika, kumatawan sa iba’t ibang rehiyon, kultura, at katutubong wika, at igalang ang karapatan ng mga may-akda, mananaliksik, at mga pamayanang pinagmumulan ng kaalaman," paliwanag niya.

Filipino, tulay sa mas mayamang impormasyon

Sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, naniniwala si Prestoza na hindi dapat matakot ang mga Pilipino sa AI.

Sa halip, dapat itong gamitin upang higit pang mapaunlad ang pananaliksik at mapalawak ang paglikha ng kaalaman sa wikang Filipino.

Aniya, kapag mas marami ang aklat, pag-aaral, saliksik, at iba pang akademikong akda sa Filipino at sa mga katutubong wika, mas nagiging mayaman din ang impormasyong maaaring pagkunan ng AI.

Sa huli, hindi lamang daw magiging kasangkapan ng pananaliksik ang AI. Magiging tulay din ito sa mas malawak na yaman ng impormasyon—ngunit mangyayari lamang ito kung patuloy na lilikhain, palalaguin, at pahahalagahan ng mga Pilipino ang sariling wika.

Mensahe para sa Buwan ng Wika

Hinamon ni Dr. Prestoza ang bawat guro, mag-aaral, mananaliksik, at mamamayan na huwag lamang maging tagapagmana ng wikang Filipino, kundi maging tagapaglikha ng bagong kaalaman sa sariling wika.

Aniya, ang bansang lumilikha ng karunungan sa sariling wika ay hindi lamang gumagamit ng teknolohiya—ito rin ang tumutulong sa paghubog ng kinabukasan nito.

"Sa Buwan ng Wikang Pambansa, huwag nating itanong kung buhay pa ba ang wikang Filipino. Ang mas mahalagang tanong ay: Ano ang ginagawa natin upang manatili itong buhay? Ang wika ay hindi nabubuhay sa pagdiriwang lamang—nabubuhay ito sa pananaliksik, sa pagsasalin, sa pagtuturo, sa teknolohiya, at sa araw-araw na paggamit."

"Kaya't hinahamon ko ang bawat guro, mag-aaral, mananaliksik, at mamamayan na huwag lamang maging tagapagmana ng ating wika, kundi maging tagapaglikha ng bagong kaalaman sa wikang Filipino at sa ating mga katutubong wika," pahayag niya.

Kasabay nito, hinikayat niya ang lahat na lumahok sa nakahanda nilang gawain kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

"Inaanyayahan ko kayong makiisa sa PADDARAFUNG: Tertulyang Pangwika para sa Salin, Kultura, at Teknolohiya, na pangungunahan ng Isabela State University Sentro ng Wika at Kultura, katuwang ang Komisyon sa Wikang Filipino, Pamahalaang Bayan ng Echague, at Polytechnic University of the Philippines Open University System."

"Huwag lamang tayong maging saksi sa kinabukasan ng ating wika—maging kabahagi tayo sa paglikha nito."

"Mabuhay ang Wikang Pambansa at mga katutubong wika sa Pilipinas!" pagtatapos niya.