Kapag may malakas na bagyo, karaniwan nang marinig ang mga salitang typhoon, cyclone, at hurricane sa mga ulat-panahon. Ngunit pare-pareho nga ba ang mga ito?
Sa madaling salita, iisa ang pangunahing weather phenomenon na tinutukoy ng tatlong termino—ang pinagkaiba lamang ay kung saan nabuo o nangyayari ang tropical cyclone, gayundin ang terminong ginagamit sa isang partikular na rehiyon.
Cyclone
Ang tropical cyclone ang pangkalahatang tawag sa isang umiikot na weather system na nabubuo sa ibabaw ng maiinit na karagatan at may mababang pressure sa gitna.
Dito kabilang ang typhoon at hurricane.
Karaniwang nagdadala ang tropical cyclone ng malalakas na hangin, matinding pag-ulan, thunderstorms at storm surge na maaaring magdulot ng pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang pinsala.
Typhoon
Ang typhoon ay isang tropical cyclone na nabubuo sa Northwestern Pacific Ocean.
Ito ang terminong karaniwang ginagamit sa mga bagyong nakaaapekto sa Pilipinas, Taiwan, Japan, China at iba pang bahagi ng rehiyon.
Kaya kapag sinabi ng weather authorities na may typhoon na papalapit sa bansa, hindi ito ibang uri ng bagyo kumpara sa hurricane—magkaiba lamang ang tawag batay sa lokasyon.
Hurricane
Samantala, tinatawag na hurricane ang tropical cyclone na nabubuo sa North Atlantic Ocean, Northeastern Pacific Ocean at Central Pacific Ocean.
Kaya ang isang malakas na bagyo na tumama sa Caribbean, Mexico o United States ay karaniwang tinatawag na hurricane.
Samantala, sa ibang bahagi naman ng mundo, ginagamit ang terminong cyclone para sa katulad na weather system, gaya sa Indian Ocean at South Pacific.
Pareho ba ang lakas ng mga ito?
Oo. Hindi nangangahulugang mas malakas ang typhoon kaysa hurricane o cyclone dahil lamang sa tawag. Ang lakas ng isang tropical cyclone ay sinusukat batay sa bilis ng hangin at iba pang meteorological na pamantayan, depende sa weather agency na nag-mo-monitor dito.
Kaya sa susunod na makarinig ng typhoon, hurricane, o cyclone, tandaan: hindi sila tatlong magkaibang klase ng bagyo. Iisa ang weather phenomenon—nag-iiba lamang ang tawag depende sa lugar kung saan ito nabuo.