August 08, 2026

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

ALAMIN: Bakit nag-iingay ang mga pusang ina?

ALAMIN: Bakit nag-iingay ang mga pusang ina?
Photo courtesy: Unsplash

Kung may nakita ka nang inang pusa na paulit-ulit na ngumingiyaw, kumukuryap, nagchi-chirp o tila may kausap, maaaring mapaisip ka kung bakit ganoon siya kaingay.

Pero para sa isang inang pusa, ang mga tunog na ito ay hindi basta ingay.

Sa katunayan, bahagi ito ng paraan niya upang makipagkomunikasyon sa kaniyang mga kuting.

Ayon sa Merck Veterinary Manual, ang inang pusa o tinatawag na queen at ang kaniyang mga kuting ang bumubuo sa pangunahing social unit ng mga pusa. Mahalaga ang presensya at pangangalaga ng ina lalo na sa unang mga araw ng buhay ng mga kuting.

“Nasaan kayo?”

Isa sa mga posibleng dahilan kung bakit vocal ang isang inang pusa ay upang tawagin o hanapin ang kaniyang mga kuting.

Kahayupan (Pets)

Asong nasagip bago isailalim sa euthanasia, lilipad na sa US!

Ayon sa animal welfare organization na Cats Protection, gumagamit ang mother cats ng mga tunog gaya ng chirrup at trill upang makipag-ugnayan sa kanilang mga kuting. Gumagamit din ang mga kuting ng mew upang makuha ang atensiyon ng kanilang ina kapag sila ay gutom o nangangailangan ng tulong.

Kaya kung mapapansin mong naglalabas ng sunod-sunod na maliliit na tunog ang isang inang pusa habang hinahanap ang mga anak nito, posibleng bahagi iyon ng kanilang natural na paraan ng “pag-uusap.”

“Sundan ninyo ako.”

Hindi lamang paghahanap ang maaaring ipinahihiwatig ng vocalization ng mother cat.

Maaari rin itong magsilbing contact call; isang paraan upang manatiling magkakaugnay ang ina at mga kuting.

Ayon sa PetMD, ang mga chirps ay karaniwang ginagamit ng mother cats bilang contact calls upang makipagkomunikasyon sa kanilang mga kuting. Sa ganitong paraan, nakatutulong ang mga tunog upang malaman ng mga kuting kung nasaan ang kanilang ina.

Kaya kapag marinig ang inang pusa na tila “nagtatawag,” kumbaga sa mga tao, maaaring ang mensahe nito ay parang simpleng: “Dito kayo, huwag kayong lalayo.”

“Ayos lang kayo.”

Mayroon ding mas banayad na komunikasyon sa pagitan ng ina at mga anak.

Ayon sa Cats Protection, ang purring ay maaari ring gamitin sa interaksiyon ng mother cat at kittens. Maaari itong maging bahagi ng kanilang komunikasyon at senyales ng pagiging panatag.

Hindi rin lamang tunog ang ginagamit nila. Mahalaga rin ang pang-amoy. Ayon sa VCA Animal Hospitals, gumagamit ang mga pusa ng pheromones upang makilala at masubaybayan ang kanilang mga kuting. Maging ang mga bagong silang na kuting ay umaasa sa kanilang pang-amoy upang makilala ang kanilang ina.

Ngayong International Cat Day, tandaang sa mundo ng mga pusa, hindi man sila nagsasalita gaya ng tao, mayroon silang sariling paraan ng pagsasabi ng “nandito ako,” “sumunod kayo,” “nasaan kayo?” at “ligtas kayo.”

At marahil, ito ang dahilan kung bakit tila mas maingay ang isang inang pusa kapag may mga kuting: hindi lang siya nag-iingay—inaalagaan at kinakausap niya ang kaniyang mga anak.