“Para sa’n ba ‘tong gamot na ‘to? Paki-Google nga!”
Mapa-Senior citizen, Gen X, Millennial, o Gen Z, isa ito sa mga kadalasang tanong na naririnig tuwing naghahagilap ng iinuming gamot para sa dinadaing na sakit sa katawan.
Dahil sa mga nakakalito at mahahabang pangalan, marami ang umaasa na lamang sa internet para i-translate ang kahulugan at gamit ng hinahanap na gamot.
Upang mas gawing exciting ang pag-aaral ng mga gamot, binuo ng isang 23-anyos na Pinoy pharmacist ang isang pharmacy-themed card game na “LUNAS.”
Sa card game na ito, nagtutuos ang ilang manlalaro upang tuligsain ang mga sakit gamit ang hawak nilang “lunas” cards at bagong kaalaman hinggil sa gamot.
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa utak sa likod ng “LUNAS” na si John Vincent “Vince” Cacho, ibinahagi niyang nabuo ang konsepto nito noong pharmacy internship niya noong 2024 habang inoobserbahan ang mga pagsubok ng pag-aaral ng gamot at counseling sa iba’t ibang mga pasyente.
“Actually ang idea po talaga behind ay mag-isip ng bagay na puwede naming i-integrate sa livelihood o lifestyle ng mga tao na hindi nakaka-overwhelm o nakaka-intimidate sa kanila. Gusto namin gawin siyang fun, interactive. Ang naisip namin card game o board game,” saad ni Vince.
Dagdag pa niya, bagama’t nasa industriya ng medisina may passion din siya sa creative arts, kaya sa kasagsagan ng kaniyang internship nag-isip siya ng paraan upang mapagsabay ang medisina at paglikha.
“During my internship nag-isip ako ng way to integrate both my love and passion for arts and yung knowledge and expertise when it comes to pharmacy and medicine. So doon nabuo yung ‘LUNAS,’” saad pa ni Vince.
Sa mga sumunod na buwan hanggang Agosto 2025, sumailalim ang “LUNAS” sa higit 100 rounds ng playtesting at development.
Kuwento ni Vince, kasama ang kaniyang maliit na team, matiyaga silang nag-ikot sa iba’t ibang malls at parke na malapit sa internship sites nila para i-test play ang “LUNAS” cards na gawa pa lamang sa papel noon.
“Since wala naman kaming manpower na mag-test out ng game na hindi napo-produce. If you think about it, sino bang willing maglaro ng game na gawa sa bond paper? After internship namin pupunta kami sa mga tao and ask them, ‘puwede po ba makipaglaro ng card game? Sa terms ng Gen Z it’s ‘extrovert final boss,’”ani Vince.
“Pinilit namin makipag-interact sa mga tao para lang ma-ask namin yung thoughts ng community and from that point, I can say more than 100 playtests until such a point na yung mechanics ng game maganda na at dumaan na sa iba’t ibang criticism at funneling. Doon namin napagtanto na okay na yung mechanics ng game, proceed na kami sa production phase,” dagdag pa ni Vince.
Bukod dito, isa pa sa mga kinaharap na pagsubok nila Vince ay ang creative process ng “LUNAS” at paghahanap ng supplier.
“As someone inexperienced, everything is a hurdle, everything is a challenge. Pero yung biggest hurdle namin, number one, yung process of art. Noong una ako lang yung gumawa from scratch sa art side so inabot talaga ng two to three months so nag-tap na ako ng kaklase ko na magko-color at gagawa ng card game characters,” saad ni Vince.
“Second point, yung paghahanap ng supplier. Upon researching nag-contact ako ng more than 20 suppliers sa country natin just to find the right type of people na kayang i-turn yung idea namin into reality. It took me two months para mahanap yung gawin yung iniisip ko,” dagdag pa ni Vince.
Sa kabila ng mga kinaharap na mga pagsubok at kritisismo, ibinahagi ni Vince na patuloy silang nagpursige sa proyekto hanggang sa tuluyan itong mailabas sa publiko.
“What I’m most proud of ay number one, we took the first step. Before ako mag-scale into LUNAS, as a creator, I would like to create something that would inspire people and that would move ideas outside of my capabilities. Having taken the first step, if hindi ko ‘yon nagawa, hindi kami makakarating sa ganitong point,” saad ni Vince.
“Yung biggest or proudest moment pa namin is to have people say that they are so inspired about the game that they create their own version just from that product alone,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, lumalabas na ang LUNAS sa iba’t ibang conventions at educational fairs sa bansa.
Nagsimula na rin ang kanilang collaborations sa iba’t ibang content creators, media organizations, podcast, at educational communities upang mas maipakilala pa sa publiko.
Mabibili na rin ito sa halagang ₱649 sa hobby shops, educational events, at partner retailers ng “KNOVELTI” na educational entertainment company na itinaguyod ni Vince kasama ang ilan niyang kaklase.
PAANO ITO NILALARO?
Sa pagtatapos ng panayam, ipinaliwanag ni Vince na ang “LUNAS” ay nalalaro gamit ang “LUNAS” o gamot cards at “SAKIT” cards.
Sa simula ng laro ang bawat manlalaro ay binibigyan ng tig-tatlong “SAKIT” cards at gamit ang “LUNAS” cards, kinakailangan lamang nilang pagtumain ito sa mga naibigay na “SAKIT.”
Kung sino ang maunang mapagaling ng sakit nila, siya ang mananalo.
Inihalintulad pa niya ito sa isa pang sikat na “UNO” card game na nagpapaunang magkaubusan ng cards. “Kung sa ‘UNO,’ paunahang maubos ang cards, dito [sa LUNAS], paunahang maubos yung mga sakit,” maikling paliwanag ni Vince.
Nilinaw din niyang saklaw ng mga gamot sa “LUNAS” ay ang “over-the-counter” medicines o mga gamot na maaaring mabili sa mga botika.
“Ang ‘LUNAS’ is more on “over-the-counter” medicines. Gamot pang-sipon, pang-ubo, lagnat. Yung mga common na sintomas lang na na-eencounter ng mga tao. Ang goal naman namin dito ay maiwasan na mag-self medicate ang mga tao,” paliwanag pa ni Vince.