Ipinaliwanag sa publiko ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na wala raw mabilisang solusyon sa pagresolba sa problema ng baha.
Sa naging pahayag ni Dizon sa ikinasang press conference ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Agosto 10, 2026, idiniin niyang hindi raw madaling sabihin kung kailan tiyak na masosolusyunan ang baha sa bansa.
“Hindi ‘yan madaling sabihin kung kailan natin maso-solve ‘yong baha sa buong Pilipinas,” pagsisimula niya.
Ani Dizon, kailangan daw nilang busisiin ang problema sa baha mula sa mga bawat proyekto, Local Government Unit (LGU), at probinsya.
“We will have to go project per project, LGU per LGU, province per province. That is what we have to do,” aniya.
Diin ni Dizon, wala raw mabilisang solusyon sa problema sa baha dahil humigit-kumulang na dekada na raw na suliranin ng bansa ang hindi maayos na pagbuo sa mga flood control projects.
Pagpapatuloy niya, kakailanganin daw nila ng panahon upang tuloy-tuloy na ayusin ang problema sa baha.
“There’s no overnight solution here. Dekada na itong problemang ito na hindi maayos ‘yong pagkagawa ng mga proyektong ito,” saad niya.
“So this will take time. Pero kailangan nga, tuloy-tuloy at consistent tayo,” pagtatapos pa niya.
Samantala, ibinahagi rin ni Dizon sa komperensya na may mga improvements naman daw na nangyayari sa lugar sa mga probinsya na kanilang tinututukan.
“Doon sa mga areas na inaayos na natin, merong mga improvements. Pero syempre, technically, kakaumpisa pa lang natin dito. We started, maybe six or seven months ago dito sa mga interventions natin,” anang DPWH secretary.
“Pero doon sa mga inayos natin, nakakakita na tayo ng improvement. Which I think is just a testament of what the President wants to happen,” dagdag pa niya.
Pagtitiyak ni Dizon, magiging “consistent” lang daw sila sa wastong pag-iimplementa ng mga proyekto at hindi raw sila titigil.