Nalunod sa Ilog Cagayan na sakop ng Brgy. Maddarulug Norte, Enrile, Cagayan, ang dalawang menor de edad ngayong Lunes, Agosto 10.
Ang mga nasabing binatilyo ay kinilala bilang sina Jhony Baquiran at Gian Agpalasin.
Naitala ring parehong 13-anyos sina Baquiran at Agpalasin.
Si Baquiran ay nagmula sa Brgy. Maddarulug Sur habang si Agpalasin ay mula naman sa Brgy. San Roque.
Batay sa ulat ni Don Erickson Orje, ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Enrile, pasado 11:00 ng umaga nang makarating sa kanilang tanggapan ang impormasyon ng pagkalunod ng mga binatilyo.
Pagdating ng pasado 1:00 ng hapon, nahanap ang katawan ni Baquiran at agad na dinala sa pagamutan habang si Agpalasin ay kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Binanggit din ni Orje sa kanilang ulat na patuloy pa nilang inaalam ang pangyayari bago malunod ang dalawang binatilyo.