Inalmahan ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co ang pahayag ng The 5th Infantry (STAR) Division kaugnay sa pakikiisa umano nila sa inisyatibo nitong youth development sa Kalinga.
"The activity demonstrated how institutions and organizations from different sectors can find common ground in advancing the welfare of the youth," anang military unit sa Facebook post nila noong Biyernes, Agosto 14.
Ngunit ayon sa latest Facebook post ni Rep. Co nitong Sabado, Agosto 15, sinabi niyang totoong nasa Kalinga raw siya kahapon.
Aniya, “Kasama sa itinerary ko ang pagbisita sa Kalinga State University (KSU) para makipag-diyalogo si KSU President Dr. Joy Doctor para malaman ang kalagayan at pangangailangan para maipaglaban ito sa paparating na 2027 budget deliberations at para magkaroon ng Konsultahang Kabataan kasama ang student leaders ng KSU para rin malaman ang kanilang mga isyu at mabigyan ito ng karampatang aksyon.
Pero gayon na lang daw ang gulat niya nang makitang higit isang dosenang pulis at militar ang nasa loob ng opisina ng KSU President.
“Lahat ng big-time andun yata: Kalinga PNP Chief Fati-ig, 103rd Infantry Battalion (IB) Commander Obias, atbp. May blood-letting daw sa susunod na araw kaya sila nandoon,” saad ni Co.
Ayon sa kongresista, ang katotohanan umano sa likod nito ay nakiepal ang mga pulis at sundalo.
“Ganito na kalala ang attacks on academic freedom in Philippine education institutions,” sabi ni Co. “Schools, as a general rule, should be free from the presence of armed forces.”
Kaya naman tinuligsa ni Co ang pahayag ng The 5th Infantry (STAR) Division sa sinabi nitong pakikiisa umano ng Kabataan Party-list sa inisyatibong ito ng militar at kapulisan.
“I demand a public apology from the 5th Infantry Division and that they take down their deceptive post immediately,” pahabol pa ng kongresista.
Ngunit sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon ang naturang military unit sa sinabing ito ni Co.