August 15, 2026

Home BALITA Metro

Aktor na may-ari ng supercar na umano'y may pekeng plaka, kinastigo ng LTO!

Aktor na may-ari ng supercar na umano'y may pekeng plaka, kinastigo ng LTO!
Photo courtesy: Land Transportation Office (FB)

Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang hindi pinangalanang aktor at negosyanteng rehistradong may-ari at itinalagang drayber ng isang supercar na umano’y gumagamit ng pekeng plaka.

Batay sa Facebook post ng LTO noong Biyernes, Agosto 14, isinagawa ang hakbang sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao matapos matukoy sa beripikasyon ng ahensya na ang plate number na nakakabit sa naturang sasakyan ay may ibang alphanumeric combination kumpara sa orihinal na motor vehicle license plate number na nakatalaga rito.

Anila pa, inatasan ng LTO ang rehistradong may-ari at itinalagang drayber na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) at magsumite ng beripikado o sinumpaang paliwanag kaugnay ng posibleng paglabag sa Use of Number Plates.

Kailangan din nilang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang driver’s license dahil sa umano’y pagiging “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”

Samantala, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng itinalagang drayber at inatasang isuko ito sa IID.

Metro

Estudyanteng nakipag-inuman, todas matapos mahulog sa condo!

Ang naturang supercar ay inilagay rin sa alarm status, habang inatasan naman ang Law Enforcement Service (LES) ng LTO na ipatupad ang pag-impound sa sasakyan.

Binigyang-diin ni Lacanilao na walang dapat makaligtas sa pagpapatupad ng batas, anuman ang katayuan o pagkakakilanlan.

“Walang VIP sa pagpapatupad ng batas. Kahit sino pa ang sangkot, kapag napatunayang lumabag, haharap sa kaukulang pananagutan," aniya.

Ayon sa opisyal, hindi magdadalawang-isip ang LTO na kumilos laban sa sinumang mapatunayang lumabag sa kanilang mga patakaran.

“Walang palakasan, walang palusot, at walang exemption.”

Iginiit din ni Lacanilao na hindi palalampasin ng ahensya ang paggamit ng pekeng plaka at pag-iwas sa mga obligasyong dapat tuparin ng mga motorista.

Patuloy namang nananawagan ang LTO sa lahat ng motorista at rehistradong may-ari ng sasakyan na tiyaking lehitimo ang kanilang mga dokumento, plaka at rehistrasyon, at kumpletuhin ang lahat ng kinakailangang obligasyon bago bumiyahe sa pampublikong kalsada.

Binigyang-diin ng ahensya na hindi magiging dahilan ang pangalan, katayuan o maging ang halaga ng isang sasakyan upang makaiwas sa pagpapatupad ng batas.

Patuloy umanong susuriin at aaksyunan ng LTO ang mga ganitong paglabag upang mapanatili ang integridad ng sistema ng pagpaparehistro ng mga sasakyan at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag.

Samantala, ayon naman sa naglalabasang ulat ng ibang lokal na pahayagan online, ang umano'y aktor-negosyante na kinastigo ng LTO ay si Derek Ramsay.

Wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng aktor tungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.