May 26, 2026

Home BALITA National

New record-low! Satisfaction rating ni PBBM, bumagsak at lumubog sa -15 noong Marso 2026—SWS

New record-low! Satisfaction rating ni PBBM, bumagsak at lumubog sa -15 noong Marso 2026—SWS
Photo courtesy: MB File Photo

Bumagsak pa ang satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS.

Sa inilabas na Social Weather Report nitong Mayo 26, lumabas na bumaba sa “poor” -15 ang net satisfaction rating ni PBBM noong Marso 2026 mula sa dating -3 noong Nobyembre 2025.

Photo courtesy: SWS Report

Batay sa survey, 33% lamang ng adult Filipinos ang nagsabing satisfied sila sa performance ng pangulo, habang 49% ang dissatisfied at 18% naman ang undecided.

Ayon sa SWS, ito na ang "new personal record-low" o pinakamababang record ni Marcos matapos malagpasan ang dating lowest rating niyang -12 noong Marso 2025.

National

35% na Pinoy, naniniwalang malusog si PBBM habang 30% ang hindi!—SWS

Pinakamalaki umano ang bagsak sa Mindanao na nagtala ng “bad” -40 rating, habang -31 naman sa Metro Manila.

Noong Marso 2026, pinakamataas ang net satisfaction rating ni Pangulong Marcos sa Balance Luzon na may neutral na +2, sinundan ng Visayas na may poor na -15, Metro Manila na may bad na -31, at Mindanao na may bad na -40.

Kung ihahambing daw noong Nobyembre 2025, bumaba ang net satisfaction rating ni PBBM sa lahat ng lugar: bumaba ito ng 11 puntos mula moderate na +13 sa Balance Luzon, 17 puntos mula neutral na +2 sa Visayas, 14 puntos mula poor na -17 sa Metro Manila, at 11 puntos mula poor na -29 sa Mindanao.

Photo courtesy: SWS Report

Kapansin-pansin ding bumaba ang satisfaction rating ng pangulo sa iba’t ibang sektor kabilang ang kababaihan, kalalakihan, urban at rural areas, pati na rin sa mga college graduates at edad 25 hanggang 34 anyos.

Kung ihahambing noong Nobyembre 2025, bumaba ng 18 puntos ang net satisfaction rating ni PBBM sa rural areas mula neutral na +9 tungo sa neutral na -9, habang bumaba naman ito ng 6 na puntos sa urban areas mula poor na -14 tungo sa poor na -20.

Photo courtesy: SWS Report

Kung ihahambing noong Nobyembre 2025, bumaba mula neutral tungo sa poor ang net satisfaction rating ni PBBM sa hanay ng kababaihan, matapos itong bumagsak ng 9 na puntos mula -6 tungo sa -15. Samantala, sa hanay naman ng kalalakihan, bumaba ito ng 16 na puntos mula net zero tungo sa -16.

Photo courtesy: SWS Report

Kung ihahambing noong Nobyembre 2025, bumaba ng 23 puntos ang net satisfaction rating ng Pangulo sa mga edad 25 hanggang 34 anyos mula poor na -17 tungo sa bad na -40. Bumaba rin ito ng 14 puntos sa mga edad 45 hanggang 54 anyos mula neutral na +9 tungo sa neutral na -5.

Gayunman, nanatili sa poor na -22 ang rating sa mga edad 35 hanggang 44 anyos, habang bahagya lamang itong nagbago mula poor na -14 tungo sa poor na -17 sa mga edad 18 hanggang 24 anyos. Samantala, halos hindi rin nagbago ang rating sa mga edad 55 pataas mula moderate na +15 tungo sa moderate na +14.

Photo courtesy: SWS Report

Kung ihahambing noong Nobyembre 2025, bumaba ang net satisfaction rating ng Pangulo sa lahat ng antas ng edukasyon: bumagsak ito ng 22 puntos mula moderate na +19 tungo sa neutral na -3 sa mga hindi nagtapos ng elementarya, 13 puntos mula moderate na +10 tungo sa neutral na -3 sa mga nagtapos ng elementarya, at 12 puntos mula neutral na -9 tungo sa poor na -21 sa mga nagtapos ng junior high school.

Bumaba rin ito ng 5 puntos mula poor na -14 tungo sa poor na -19 sa mga may ilang taon ng senior high school, habang nagtala naman ng pinakamalaking pagbaba na 23 puntos mula poor na -14 tungo sa bad na -37 sa college graduates. 

Photo courtesy: SWS Report

Mas mababa rin umano ang rating ni Marcos sa mga Pilipinong nagsabing mas lumala ang kanilang buhay sa nakaraang taon o tinawag ng SWS na “Losers,” gayundin sa mga “Pessimists” o mga naniniwalang lalo pang hihirap ang kanilang kalagayan sa mga susunod na buwan.

Ayon pa sa SWS report, isinagawa ang First Quarter 2026 Social Weather Survey mula Marso 24 hanggang 31, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 matatandang Pilipino (18 taong gulang pataas) sa buong bansa: 600 sa Balance Luzon (o Luzon na hindi kabilang ang Metro Manila), at tig-300 naman sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. Ang margin of error ay ±3% para sa pambansang porsyento, ±4% para sa Balance Luzon, at ±6% naman para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.

Ang mga pagtataya sa bawat lugar ay tinimbang gamit ang medium-population projections ng Philippine Statistics Authority para sa 2026 upang makuha ang pambansang pagtataya.

Ang mga tanong sa survey na iniulat dito ay hindi ipinagawa o inatasan ng anumang partido o organisasyon. Isinagawa ang mga ito sa sariling inisyatibo ng SWS at inilabas bilang pampublikong serbisyo.

Ang eksaktong pagkakasulat ng mga tanong sa survey (na orihinal na nasa Filipino at may kasamang salin sa Ingles) ay:

"Maaari po bang pakisabi ninyo kung gaano kayo nasisiyahan o hindi nasisiyahan sa pagganap ng tungkulin ni FERDINAND MARCOS, JR. bilang Presidente ng Pilipinas. Kayo ba ay lubos na nasisiyahan, medyo nasisiyahan, hindi tiyak kung nasisiyahan o hindi, medyo hindi nasisiyahan, lubos na hindi nasisiyahan, o wala pa kayong narinig o nabasa kahit na kailan tungkol kay FERDINAND MARCOS, JR.? [Please tell me how satisfied or dissatisfied you are with the performance of FERDINAND MARCOS, JR. as President of the Philippines. Are you very satisfied, somewhat satisfied, undecided if satisfied or dissatisfied, somewhat dissatisfied, very dissatisfied, or you have not ever heard or read anything about FERDINAND MARCOS, JR.?]”