Nagdikit at nagpamudmod ng wanted posters ang grupong Akbayan Youth sa kahabaan ng Kalayaan Avenue sa Quezon City, para ipanawagan ang ganap na pagsuko ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Kasunod ito ng inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya para sa kasong crimes against humanity of murder.
Ayon sa isang pahayag na ibinahagi ni Akbayan Youth National Vice Chairperson Claire Lopez, hindi raw maaaring takasan na lamang ni Dela Rosa ang umano’y pananagutan niya sa batas.
“Hinding-hindi puwedeng paulit-ulit na lang na tinatakbuhan ni Bato ang pananagutan habang patuloy na naghihintay ng hustisya ang libo-libong pamilyang naiwan ng madugong drug war. Kitang-kita na inaabuso nila ang lahat ng ating demokratikong institusyon para pagtakpan ang sarili nilang mga kasamahan,” saad ni Lopez sa kaniyang pahayag.
Aniya, ang panawagang pagsuko ni Dela Rosa ay hindi lamang para sa biktima ng extrajudicial killings (EJK), bagkus para din sa sambayanang Pilipino.
“Hindi lang ito laban ng mga biktima ng EJK kundi laban ng sambayanang Pilipino para sa katotohanan at pananagutan. Nananawagan kami sa publiko, makiisa sa people’s manhunt laban kay Bato dela Rosa. Huwag nating hayaang maglaho siya sa likod ng kapangyarihan at impluwensiya. Bato, sumuko ka na! Inuusig ka na ng mamamayan. Harapin mo ang hustisya,” aniya.
Samantala, sa parehong protesta, umapela rin ang grupo para naman sa isasagawang impeachment trial ng Senado kay Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, Mayo 18.
KAUGNAY NA BALITA: Nasa 900 pulis, naka-deploy sa paligid ng Senado sa pag-convene ng impeachment court-Balita
Matatandaang hinamon din kamakailan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla si Dela Rosa na harapin ang mga paratang na ibinabato sa kaniya.
“Nagtataka ako sa kaniya naging chief PNP siya, tumatakbo siya sa batas. Humarap siya! Nagkagulo-gulo ‘yong mundo e, managot ka sa iyong mga gawain, sagutin mo ‘yong mga…sabihin mo kung wala ka talagang kasalanan, harapin mo! Anong klaseng tao ‘yan?” hamon ni Remulla kay Dela Rosa sa isinagawang press briefing ng Office of the Ombudsman kamakailan.
KAUGNAY NA BALITA: Dating PNP chief, tumatakbo sa batas? Ombudsman, hinamon Dela Rosa na harapin mga paratang laban sa kaniya-Balita