Hinamon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na harapin ang mga kaso at paratang na ibinibintang laban sa kaniya.
Kaugnay ito sa kumpirmasyong lumabas hinggil sa pag-alis ni Dela Rosa sa Senado noong madaling araw ng Huwebes, Mayo 14, matapos siyang isailalim sa Senate protective custody.
KAUGNAY NA BALITA: SP Cayetano sa pag-alis ni Sen. Dela Rosa sa Senado: 'There's no warrant. He's free to go'-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Office of the Ombudsman nitong Biyernes, Mayo 15, inihayag ni Remulla ang pagtataka kung bakit tila umeeskapo si Dela Rosa sa batas, gayong dati itong nanilbihan bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).
“Nagtataka ako sa kaniya naging chief PNP siya, tumatakbo siya sa batas. Humarap siya!” hamon ni Remulla kay Dela Rosa.
Aniya, “Nagkagulo-gulo ‘yong mundo e, managot ka sa iyong mga gawain, sagutin mo ‘yong mga…sabihin mo kung wala ka talagang kasalanan, harapin mo! Anong klaseng tao ‘yan?”
Giit ng Ombudsman, ganoon daw ba dapat ang senador ng Pilipinas, tumatakbo sa mga umiiral na batas?
“‘Di ba? Ganiyan ba dapat maging senador natin, tumatakbo sa batas? Is that the hero he want to portray? Di ba?” aniya.
“Managot siya, harapin niya lang ang mga paratang—at sagutin niya nang maayos kung wala talaga siyang kasalanan,” diin ni Remulla.
Ayon sa pinakahuling balita, kinumpirma na ng Department of Justice (DOJ) ang arrest warrant na inihain ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa para sa kasong crimes against humanity.