Nitong Linggo, Setyembre 8, 2024 nang maaresto ng mga awtoridad si Pastor Apollo Quiboloy matapos ang mahigit dalawang linggong paghahanap sa kaniya sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ngunit, paano nga ba nagsimula ang mga alegasyon at kontrobersiyang kinasangkutan ng pastor?
Narito ang timeline ng mga nangyari kay Quiboloy, mula sa mga isyung inihain laban sa kaniya sa United States hanggang sa kaniyang “pagsuko” sa mga awtoridad ng Pilipinas.
February 2018 – Naiulat sa isang Hawaii-based news agency na na-detain si Quiboloy, kasama ang limang iba pa, sa Honolulu matapos umanong makita ang $350,000 at mga bahagi ng rifle sa loob ng sinasakyan nilang private jet. Pinabulaanan naman ito ng kampo ni Quiboloy.
October 2018 – Naghain umano ng kaso ang isang dating miyembro ng KOJC sa korte ng Hawaii laban kay Quiboloy dahil daw sa sexual abuse nang menor de edad pa lamang siya. Itinanggi rin ng kampo ni Quiboloy ang naturang mga alegasyon.
December 2019 – Naghain ang isa pang dating trabahador ng KOJC ng rape, qualified trafficking in persons, and child abuse laban kay Quiboloy at apat na iba pa sa Davao prosecutors. Muli namang itinanggi ng kampo ni Quiboloy ang nasabing mga alegasyon ng KOJC member.
February 2020 – Inanunsyo ng mga awtoridad ng California na kinasuhan ng federal grand jury ang tatlong KOJC administrators dahil sa pangangasiwa umano sa isang labor trafficking scheme na pumipilit sa mga miyembro ng simbahan na humingi ng mga donasyon. Ilegal daw silang nakakuha ng visa at iba pang immigration documents para makapasok ang kanilang workers at manatili sa US.
July 2020 — Ibinasura ng Davao prosecutors ang reklamong rape, child abuse, at human trafficking na isinampa laban kay Quiboloy at iba pa dahil umano sa kakulangan ng ebidensya.
November 2021 — Inanunsyo ng US prosecutors ang pagkaso ng sex trafficking kay Quiboloy matapos umano niyang pilitin ang mga menor de edad na babae na makipagtalik sa kaniya. Inakusahan din ang pastor at iba pang opisyal ng KOJC ng pagpapatakbo ng operasyon ng sex trafficking na nagbabanta umano sa mga kabataang biktima ng “eternal damnation” at physical abuse.
February 2022 – Isinama ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy, kasama ang dalawa pang KOJC members, sa “most wanted” list nito dahil sa umano’y partisipasyon niya sa labor trafficking scheme.
December 2022 – Nagpataw ng sanctions ang US laban kay Quiboloy dahil sa koneksyon umano niya sa “serious human rights abuse” matapos daw niyang samantalahin ang kaniyang pamumuno sa KOJC upang mag-engage sa pattern ng “pervasive rape” at iba pang physical abuse sa mga menor de edad sa mahigit isang dekada. Kinondena naman ni Quiboloy ang naturang desisyon ng US at sinabing hindi umano siya luluhod sa “inhustisya.”
December 2023 – Naghain si Senador Risa Hontiveros ng resolusyon para imbestigahan ng Senado ang mga alegasyon laban kay Quiboloy at sa KOJC. Isiniwalat din ni Hontiveros ang mga testimonya ng mga biktima umanong naabuso ni Quiboloy.
January 2024 — Hindi dumalo si Quiboloy sa pagdinig ng Senado, dahilan kaya’t nagdesisyon itong padalhan ang pastor ng subpoena. Iginiit naman ni Quiboloy na sa korte lamang niya haharapin ang mga alegasyong ibinabato sa kaniya.
February 2024 — Opisyal na naglabas ang Senado ng subpoena laban kay Quiboloy. Sinabi naman ng pastor na nagtatago umano siya dahil sa banta sa kaniyang buhay.
March 1, 2024 – In-unseal ng hukom ng California ang arrest warrants laban kay Quiboloy at mga kapwa niya akusado sa kasong conspiracy sa pag-engage sa “sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, and cash smuggling.”
March 4, 2024 – Iniatas ng Department of Justice (DOJ) ang paghain ng mga kasong child abuse at human trafficking laban kay Quiboloy at limang iba pa.
March 12, 2024 – Naglabas ng contempt order ang House Committee on Legislative Franchises laban kay Quiboloy dahil sa paulit-ulit umano nitong hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay ng isyung kinahaharap ng Sonshine Media Network International (SMNI).
MAKI-BALITA: House Committee, pina-contempt na si Quiboloy
March 19, 2024 – Naglabas ng “arrest order” ang Senado laban kay Quiboloy dahil sa patuloy nitong hindi pagharap sa mga pagdinig hinggil sa mga alegasyong ibinabato sa kaniya.
MAKI-BALITA: Zubiri, nilagdaan na arrest order vs Quiboloy
April 11, 2024 – Naglabas ng warrant of arrest ang Pasig regional trial court (RTC) laban kay Quiboloy dahil sa kasong qualified human trafficking.
MAKI-BALITA: Pasig RTC, naglabas ng arrest warrant laban kay Quiboloy
June 10, 2024 – Pinasok ng mahigit 100 pulis ang iba't ibang mga compound ng KOJC sa Davao City at Sarangani province upang isilbi ang warrants of arrest ni Quiboloy ngunit hindi nila ito natagpuan. Tinawag itong "Day of Infamy” dahil ilang mga indibidwal umano ang nasaktan at "marami" raw mga ari-arian ng KOJC ang nasira sa gitna ng operasyon ng PNP.
MAKI-BALITA: Mahigit 100 pulis, pinasok KOJC compound para sa warrants ni Quiboloy
July 8, 2024 – Inanunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na bibigyan ng ₱10 milyong pabuya ang sinumang makapagbibigay ng impormasyong magiging dahilan ng pagka-aresto kay Quiboloy. Ayon kay Abalos, mayroon umano silang mga “kaibigan” na siyang nag-offer ng naturang reward na ₱10 million.
MAKI-BALITA: P10M pabuya, ibibigay sa makapagtuturo kay Quiboloy -- Abalos
August 4, 2024 – Ipinahayag ng legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na nag-alok naman ang KOJC ng ₱20 milyon para sa makapagsasabi kung sino ang nag-donate ng ₱10 milyong pabuya sa DILG para mahuli ang pastor.
MAKI-BALITA: KOJC, nag-aalok ng P20M para matukoy nagbigay pabuya para mahuli si Quiboloy
August 8, 2024 – Ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) na i-freeze ang mga bank account at ari-arian ni Quiboloy.
MAKI-BALITA: CA, pina-freeze bank accounts, properties ni Quiboloy
August 24, 2024 – Nasa 2,000 PNP personnel ang pumasok sa compound ng KOJC upang arestuhin si Quiboloy. Hindi sila umalis sa compound hanggang sa matagpuan ang pastor.
MAKI-BALITA: 2,000 pulis, hinalughog KOJC compound para kay Quiboloy
August 25, 2024 – Sa ikalawang araw ng paghahanap ng PNP sa compound, isang pulis umano ang tumira ng “pepper spray” sa isang opisyal ng KOJC. Tinanggal naman na raw sa tungkulin ang naturang pulis.
August 27, 2024 – Naglabas ang RTC Branch 15 sa Davao City ng “temporary protection order” sa KOJC, at inatasan ang PNP na itigil ang kanilang operasyon sa loob ng KOJC compound. Nilinaw naman ni DILG Sec. Abalos na ang inilabas na Temporary Protection Order ay para sa pagtanggal ng iba't ibang uri ng "barricades, barriers or blockade" na pumipigil sa mga miyembro ng KOJC na makapasok sa compound, kaya’t tuloy pa rin daw ang kanilang operasyon para hanapin ang pastor.
MAKI-BALITA: 'Labag sa karapatan!' Operasyon ng PNP sa KOJC compound, pinatitigil ng korte
MAKI-BALITA: PNP, tuloy pa ring hahalughugin ang KOJC compound—Abalos
September 3, 2024 – Pinawalang-bisa ng Court of Appeals ang Temporary Protection Order na inisyu ng Davao City RTC Branch 15 laban sa mga pulis na nagsisilbi ng arrest warrant laban kay Quiboloy.
MAKI-BALITA: TPO laban sa mga pulis na naghahalughog sa KOJC, ipinawalang-bisa ng CA
Sa parehong araw ay ipinakita naman ng legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon ang ilang mga kuhang larawan kung saan makikita umano kung gaano na kalalim ang mga hukay ng kapulisan sa basement ng Jose Maria College, o ang paaralang nasa loob ng KOJC compound, sa patuloy na paghahanap sa akusadong pastor.
MAKI-BALITA: Abogado ni Quiboloy, ipinakita lalim ng hukay ng mga pulis sa JMC basement
September 8, 2024 – Naaresto na si Quiboloy sa KOJC compound. Ayon kay DILG Sec. Abalos, nahuli si Quiboloy. Samantala, ayon naman sa abogado ng pastor, sumuko raw ito.
MAKI-BALITA: 'Nahuli na si Pastor Quiboloy!'—Abalos
MAKI-BALITA: DILG Sec. Abalos, sinabihang 'epal to the highest level' ni Atty. Topacio
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng PNP si Quiboloy at inaasahang haharapin ang mga kasong ibinabato sa kaniya.