June 03, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Mga dapat isaalang-alang sa pagsisimula ng running journey

ALAMIN: Mga dapat isaalang-alang sa pagsisimula ng running journey
Photo Courtesy: Pexels

Taon-taon ipinagdiriwang ang Global Running Day pagpatak ng unang Miyerkules ng Hunyo. Layunin nitong hikayatin na makilahok sa pagtakbo ang bawat inidbidwal—anomang edad o kasarian.

Iba’t iba ang pinaghuhugutang dahilan ng mga tao kung bakit sila tumatakbo. Puwedeng gustong makausad sa relasyong nauwi sa hiwalayan o kaya ay mapanatili ang malusog na isip at pangangatawan.

Pero sabi ng nobelistang si Haruki Murakami sa memoir niyang “What I Talk About When I Talk About Running,” “Most runners run not because they want to live longer, but because they want to live life to the fullest.”

Ano’t anoman ang maging dahilan, mahalagang isaalang-alang ang mga sumusunod sakaling pagpasyahan mo nang simulan ang pagtakbo ngayong taon.

1. Warm up muna

Trending

DOST, nagpaalala sa panganib na dulot ng itlog ni 'Vanessa'

Gaya ng ibang sports, mahalagang bahagi rin ang warm up bago ang mismong akto ng pagtakbo. Nakakatulong ito para maiwasan may mapinsalang bahagi ng katawan. 

Kapag nagwa-warm up kasi, unit-unting nakokondisyon ang katawan. Tumataas ang temperatura nito at mapapasigla ang daloy ng dugo sa mga muscle. Ang rekomendadong oras para mag-warmup ay tatagal lang ng 5 hanggang 10 minuto.

2. Alamin ang mga dapat kainin bago at pagkatapos tumakbo

Ang enerhiyang nagagamit umano ng tao habang tumatakbo ay nagmumula sa glycogen na nasa mga muscle. Kaya dapat lang na kumain ng mga pagkaing mayaman sa glycogen tulad ng whole grains, beans, gulay, at prutas.

Samantala, pagkatapos namang tumakbo, lantakan ang mga pagkaing mayaman sa carbohydrates at protein upang maibalik umano ang muscle glycogen at maisaayos ang mga napinsalang muscle tissue.

3. Manatiling hydrated

Mahalaga ang pag-inom ng tubig kahit bago pa man tumakbo. Ayon sa mungkahi ng Institute of Medicine, kinakailangang makainom ang kalalakihan ng 13 baso ng tubig kada araw. Katumbas nito ang tatlong litro.

Samantala, ang suhestiyon naman nila para sa kababaihan ay 9 na baso kada araw na ang katumbas ay dalawang litro.

Bagama’t sapat na ang tubig para sa takbong tumatagal ng isang oras, mas makakabuti kung iinom ng sports drink na may electrolytes para sa mas mahabang oras ng pagtakbo.

4. Magpatingin sa doktor

Hindi naman mandatory ang pagpapakonsulta sa doktor kapag magsisimula ng running journey. Ngunit kung matagal na panahong hindi aktibo ang katawan sa pagkilos o kung may iniindang karamdaman, mahalagang ikonsidera ito upang mapayuhan ng mga dapat at hindi dapat gawain.

5. Huwag magmadali

Hindi kagaya ng ibang sports, sa pagtakbo ay walang ibang kalaban kundi sarili lang. Sabi nga ni Murakami, “In long-distance running, the only opponent you have to beat is yourself, the way you used to be.”

Kaya hindi kailangang i-pressure ang sarili kung nahihirapan pang tumakbo ng limang kilometro nang hindi sinasamahan ng paglalakad o kaya ay kung nahihirapang maka-sub one, ito ang tawag sa pagtakbo ng sampung kilometro sa loob lamang ng isang oras. 

Tandaan sanang sa pagpapasya mo pa lang na tumakbo ay tagumpay nang maituturing dahil nagdesisyon kang igpawan ang dating bersyon ng sarili na gusto mong mapabuti.