Madalas makita ang itlog sa hapag-kainan ng mga Pilipino dahil mura, madaling lutuin, at masustansya. Ngunit alam mo bang marami pang benepisyong pangkalusugan ang maibibigay ng itlog bukod sa pagiging pangkaraniwang ulam sa almusal?
Ayon sa mga eksperto sa nutrisyon, ang itlog ay kabilang sa mga pagkaing mayaman sa mahahalagang sustansya na kailangan ng katawan. Dahil dito, patuloy itong inirerekomenda bilang bahagi ng balanseng pagkain.
Batay sa impormasyon ng National Nutrition Council (NNC), ang itlog ay mayaman sa de-kalidad na protina, bitamina, mineral, at healthy fats. Taglay rin nito ang lahat ng siyam na essential amino acids na mahalaga sa paglaki, pagbuo ng kalamnan, at pagkukumpuni ng mga nasirang tissue sa katawan.
Isa rin itong mahusay na pinagkukunan ng choline, isang nutrient na mahalaga sa normal na paggana ng utak at memorya. Ayon sa NNC, nakatutulong ang choline sa pagbuo ng cell membranes at mahalaga rin sa pag-unlad ng utak ng mga sanggol kaya inirerekomenda ito para sa mga buntis at nagpapasusong ina.
Bukod dito, may taglay na lutein at zeaxanthin ang pula ng itlog. Ang mga antioxidant na ito ay nakatutulong upang mapanatiling malusog ang mga mata at mabawasan ang panganib ng ilang kondisyon na may kaugnayan sa paningin habang tumatanda.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), ang pula ng itlog ay isa ring natural na pinagkukunan ng Vitamin D, na mahalaga sa pagsipsip ng calcium at phosphorus para sa matibay na mga buto at maayos na paggana ng immune system. Naglalaman din ito ng Vitamin B12 at iba pang B-vitamins na tumutulong sa produksyon ng enerhiya at kalusugan ng mga ugat.
Samantala, nilinaw rin ng NNC na para sa mga malulusog na indibidwal, ligtas ang pagkain ng hindi bababa sa isang itlog bawat araw bilang bahagi ng tamang diyeta. Ayon sa konseho, marami nang pag-aaral ang nagpapakita na ang katamtamang pagkain ng itlog ay walang direktang epekto sa panganib ng sakit sa puso sa mga taong walang malubhang kondisyon sa kalusugan.
Pinapaalalahanan naman ng World Health Organization (WHO) na ang susi sa mabuting kalusugan ay ang pagkakaroon ng iba’t ibang pagkaing masustansiya sa araw-araw. Kabilang dito ang mga pagkaing mula sa hayop gaya ng itlog, kasama ng gulay, prutas, whole grains, at iba pang pagkaing mayaman sa bitamina at mineral.
Sa murang halaga at dami ng sustansiyang taglay nito, nananatiling isa ang itlog sa mga pinakaabot-kaya at pinakapraktikal na pagkain para sa maraming pamilyang Pilipino.