June 02, 2026

Home FEATURES

Notaryo nga ba? Prosesong legal sa pagpapalit ng pangalan

Notaryo nga ba? Prosesong legal sa pagpapalit ng pangalan
Photo courtesy: Unsplash


Viral ngayon sa social media ang funny skits na binubuo ng social media creator na si “BAET” patungkol sa point of view (POV) ng iba’t ibang pagkain at hayop na nagnanais magkaroon ng pantaong pangalan.

Sa skits kasi ni BAET, ang ilang pagkain gaya ng orange at abogado ay nais ibahin ang kanilang mga pangalan.

Mula sa ngalang orange, nais nitong magpanotaryo at ibahin ang kaniyang pangalan bilang “Sharmaine.”

Si abokado naman ay tila naaasar sa pangalan niya, sapagkat madalas daw magkamali ang ilan sa pangalan nitong katunog ng salitang “abogado.” Aniya, gusto niya maging si “Melanie.”

Ang hayop na langaw naman sa skit, ay matagumpay nang naipanotaryo ang pangalan niya—mula sa langaw, “Vanessa” na ang ngalan niya.

MAKI-BALITA: Bakit ‘Sharmaine’ ang itinatawag ng netizens sa prutas na orange ngayon?-Balita

Ngunit kung tutuusin, talagang nangyayari sa totoong buhay na ang ilang indibidwal ay hindi gusto ang natanggap nilang pangalan—kung kaya’t sila na ang gumagawa ng paraan upang aksyunan ito.

Pero paano nga ba ang legal na proseso sa pagpapalit ng pangalan?

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), may mga paraan upang isagawa ito.

Kung ang unang pangalan sa birth certificate ay iba sa ginagamit na pangalan—kabilang na sa mga dokumento—nararapat itong mabago sa pamamagitan ng pagfi-file ng isang petisyon para sa pagpapalit ng unang pangalan sa ilalim ng mga probisyon ng Republic Act (RA) No. 9048.

Halimbawa, ang “Ma.” ay nais palitan ng “Maria,” maaari itong ipaayos sa ilalim ng naturang batas.

Sino-sino ang maaaring maglakad nito?

Ang mga taong maaaring mag-file ng petisyon para dito ay ang mga sumusunod: May-ari ng record, asawa, anak, magulang, kapatid, lolo/lola, o kaya naman ay guardian.

Puwede rin ang ibang taong may awtorisasyon sa ilalim ng batas, at ng may-ari ng record na ipaaayos.

Saan naman ito puwedeng asikasuhin?

Maaari itong isaayos sa local civil registry office ng siyudad o munisipalidad kung saan nakarehistro ang dokumento.

Ano-ano ang mga dokumentong kailangan para sa nasabing proseso?

Maisasagawa ang proseso sa pamamagitan ng pagdadala ng ilang dokumento gaya ng certified machine copy ng birth record, hindi bababa sa dalawang public/private documents, certificate of posting, ₱3,000 processing fee, NBI o Police Clearance, at proof of publication.

Kung sakaling “clerical error” lamang ang ipaaayos, halimbawa ay mali ang baybay ng pangalan—pareho lamang ang prosesong susundin, ngunit aabot lamang sa ₱1,000 ang processing fee nito.

Ano-ano ang mga balidong kondisyon kung saan mapapayagan ang pagpapalit ng pangalan?

Batay sa artikulong mababasa sa Respicio & Co., idiniin ng Korte Suprema na pribilehiyo ang pagpapalit ng pangalan, at hindi isang karapatan.

Nararapat daw na magkaroon ang isang tao ng “proper” at “reasonable cause” upang mapayagan siyang palitan ang kaniyang pangalan.

1. Ridicule/Embarrassment 

Kung “ridiculous,” “tainted with dishonor,” at mahirap isulat o bigkasin ang isang pangalan, maaari itong palitan.

2. Confusion

Puwedeng ibahin ang pangalan kung kinakailangan ito upang maiwasan ang pagkalito sa pagkakakilanlan ng tao.

3. Habitual Use

Maaaring mapagbigyang mabago ang pangalan ng isang tao sa kondisyong siya ay gumagamit ng ngalang iba sa kaniyang birth certificate ngunit kilala na ng publiko sa pangalang iyon.

4. Sincerity

Batay sa impormasyong nasa artikulo, mapagbibigyan ang hiling na palit-pangalan kung ito raw ay para sa “best interest” ng petisyuner, at ang petisyon ay isinagawa nang may “good faith.”

5. Legitimation

Balido ang pagpapalit ng pangalan upang sumalamin ang pagkakakilanlan ng isang tao depende sa pagbabago ng kaniyang “civil status,” o kaya naman ang estado niya bilang mamamayan.

Halimbawa, ang isang ampong bata ay kinikilala na ng amang kumupkop sa kaniya.

Ang pagkakaroon ng pangalan ay isang karapatan ng lahat ng tao—ngunit mas mainam sana kung ito ay wasto at tama.