Pinuga ng isang miyembro ng mga nagpakilalang 18-ex soldiers na naghatid umano sila ng maleta sa building ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III sa Baclaran noong 2024.
Ayon sa naging pahayag ng isang ex-soldier sa pagdalo nila sa itinuloy na sesyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Huwebes, Hunyo 4, 2026, kinumpirma ng tumayong testigo ang umano’y paghahatid nila ng limang maletang naglalaman ng pera kay Sotto.
“Nagulat ako, dito po sa letter “E” 42, nag-deliver kay Sen. Sotto. Puwede n’yo bang i-verified, totoo po ito, at ikuwento po n’yo ‘yong circumstance,” intriga ni Cayetano.
Pagkukuwento naman ng ex-soldier, nauna na raw sila sa building ni Sotto sa Baclaran noon bilang advance team sa kanilang operasyon.
“‘Yong time na ‘yan, advance team kami, your Honor. Nauna kami sa area kasi in-advice-san sa building ni Tito Sotto sa Baclaran. After lunch, nandoon na po kami aboard,” pagsisimula niya.
Pagpapatuloy ng ex-soldier, dumating daw noon ang boss nilang si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa tanggapan ni Sotto lulan ng limousine na sasakyan at tumungo ang naturang sasakyan sa basement ng building.
“Ngayon, dumating sila ni Boss Zaldy… Okay na ‘yong area, na-recon na namin. Pagdating nila, ako nag-guide po doon sa baba. Parang may basement sa gilid po. Dumeretso ‘yong [limousine] ni Boss [Zaldy]. Umikot tapos nag-drop off,” kuwento niya.
Pagpapatuloy ng ex-soldier, sumakay daw sila kasama si Co sa elevator mula sa basement kung saan dala raw nila ang limang mga maleta na naglalaman ng milyon-milyong pera.
“Umakyat sa may hagdanan, your Honor, tapos may elevator. Kasama n’ya po si EE Mark, saka si Paul, saka ‘yong SO niya po… Tapos noon, pasakay siya sa elevator, may nakasalubong po doon, sumakay sila,” anang ex-soldier.
Dagdag pa niya, “‘Yong maleta po na dala po ng mga kasama ko, tulak-tulak po nila ‘yong dalawa. Hinabol ko ‘yong dalawa at sinabay sa elevator. Tapos ‘yong the rest po ng ibang maleta, hindi nakahabol, nauna na po akyat sa taas po.”
Pagtitiyak naman ni Cayetano, inalam niya sa naturang ex-soldier kung pera ba raw at magkano raw ang laman ng mga maletang hinatid nina Co sa building ni Sotto sa Baclaran.
“Ano ‘yong dineliver n’yo, pera? Alam mo magkano?” usisa ni Cayetano.
“Large po. 40 to 70 [million] po,” sagot ng ex-soldier.
Pagkukumpirma ni Cayetano sa ex-soldier, limang mga maleta raw ang nahatid noon kay Sotto na naglalaman ng mahigit ₱40 milyon bawat maleta noong 2024 bago raw magsimula ang campaign period.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Sotto kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Isang senador sangkot sa human trafficking, namimili ng babae—Atty. Baligod
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Pia, hinarang umano ni SILG Remulla papasok ng Senado