June 04, 2026

Home BALITA National

Isang senador sangkot sa human trafficking, namimili ng babae—Atty. Baligod

Isang senador sangkot sa human trafficking, namimili ng babae—Atty. Baligod
Photo courtesy: Via MB

Pinahagingan ng tumatayong abogado ng nagpakilalang mga dating miyembro ng Philippine Marine na si Atty, Levito “Levi” Baligod na may isang senador daw ang sangkot sa human trafficking at pagbili sa mga babae. 

Ayon sa naging pahayag ni Baligod sa pagdalo niya at ng ilang miyembro ng ex-Marines sa Senate Blue Ribbon Committee na itinuloy nila Senate President Alan Peter Cayetano nitong Huwebes, Hunyo 4, 2026, sinabi niyang bintana lamang daw ang joint affidavit ng ex-soldiers sa mas marami pa raw nilang nalalamang katotohanan. 

“‘Yong nandito po sa kanilang pinagsamang sinumpaang salaysay ay parang bintana lamang kung ano ang nalalaman nila,” pagsisimula niya. 

Ani Baligod, sinadya niya raw iutos sa ex-soldier na huwag munang ilagay ang lahat ng katotohanang alam nila sa kanilang joint affidavit dahil gusto raw nilang ang gobyerno mismo ang magsiyasat tungkol dito. 

“Marami pa po silang alam na hindi namin ilagay dito at sinadya ko po na hindi ilahad lahat. Because I just wanted concerned agencies of the government to look into their allegations,” aniya. 

National

Tito Sen, nahatiran umano ng maleta sa Baclaran!—ex-soldier

Dagdag pa niya, “Parang imbitasyon lamang at gusto nating sa isang pormal na imbestigasyon sana ilalabas ang lahat po.” 

Diin ni Baligod, may pagkakataon daw na personal na nasaksihan ng mga kliyente niyang ex-soldiers ang pagkakasangkot ng isang senador sa human trafficking o pagbili sa mga babae. 

“Marami pong wala rito. Halimbawa nga po—pardon me if I touch a sensitivity of some, especially nandito po ang isang ginagalang nating babae na miyembro ng Senado na ito—personal na na-witness ng mga sundalong ito, isang miyembro ng ating Senado ay engage sa human trafficking,” patutsada niya. 

Paglilinaw pa niya, “Namimili siya ng babae at ipinapasok pa ng mga sundalo sa kanilang kuwarto na nandoon ‘yong kasamahan ninyo.” 

Giit naman ni Baligod, wala raw sa kasalukuyang sesyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang tinutukoy niyang senador, kung saan ang dumalo lamang sa mga naturang pagdinig ay sina Cayetano, Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Imee Marcos, Sen. Robin Padilla, at Sen. Pia Cayetano.

“Masasabi ko po na wala dito,” pagtitiyak ni Baligod. 

Samantala, hindi naman na nakapagbigay ng karagdagang impormasyon si Baligod tungkol sa tinutukoy niyang senador dahil sa pagsingit nina Cayetano, Marcos, at Marcoleta sa kaniyang pagsasalita. 

MAKI-BALITA: 'Tuloy ang laban!' Sen. Kiko, nagpasalamat sa muling paghawak ng komite sa agrikultura