Isiniwalat ni Sen. Pia Cayetano na sinubukan umano silang harangin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na makapasok sa Senado kasama ang 18 ex-Marines na dadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ng paksyon ni Sen. Alan Peter Caeytano.
Sa kaniyang mensahe sa pagsisimula ng naturang pagdinig at bilang Blue Ribbon Chairman sa kanilang paksyon, nagpasalamat si Cayetano sa ilang Senate staff at media na nakatulong daw sa kaniya upang makalusot sa panghaharang ni Remulla.
“May mga nagsasabing hindi papapasukin ang resource persons natin so kailangan ko po silang sunduin. Noong sinundo ko naman yung ating staff doon napakaayos naman…,” kuwento ni Cayetano.
Saad pa niya, “ Nagulat lang ako kasi maayos naman sabi ko doon sa ating resource persons, 'Hali ka na, sinusundo ko kayo, let's go in.' Nagulat na lang ako noong nakita ko doon si Secretary Jonvic Remulla hinaharang ako.”
Halos emosyonal ding iginiit ni Cayetano na hindi raw niya aakalaing darating ang araw na may manghaharang daw sa kaniya papasok ng Senado kahit na isa siyang seating senator.
“I never thought the day would come that somebody will prevent me from entering the Senate. This is my office! Again thank you. Hindi ko rin akalain na yung Senate staff, yung media dahil nasama na kayo doon, kayo pa yung nakatulong na makarating ako sa hearing na 'to.” anang senadora.
Matatandaaang tuluyang nahati ang paksyon ng mga senador sa Senado matapos magdaos ng sesyon ang minority bloc nang dumating si Sen. Chiz Escudero mula sa majority bloc—matapos ang ilang araw na hindi nila pagsipot sa sesyon.
Bunsod nito, agad na binakante ng Senado ang posisyon ng Senate President Pro Tempore kung saan naihalal si Sen. Win Gatchalian sa naturang posisyon at kalaunan ay idineklara bilang acting Senate President.
Matatandaang si Sen. Alan Peter Cayetano ang Pangulo ng Senado habang si Sen. Loren Legarda naman ang kaniyang Senate President Pro Tempore, bago ang sesyon nitong Miyerkules ng hapon.
Matapos ang tuluyang pagtatago ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at tuluyang pagkakaaretso kay Sen. Jinggoy Estrada, bumaba sa bilang na 11 ang miyembro ng Senate majority na tumabla sa 11 na bilang ng Senate minority.
KAUGNAY NA BALITA: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!
Samantala, sa paksyon namang pinamumunuan ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Win Gatchalian, si Sen. Erwin Tulfo ang tumatayong Blue Ribbon Chairman na nakatakdang pamunuan ang pagdinig sa flood control projects sa Hunyo 8.