"AWOL-a pala siya today, hindi man lang nagsabi?"
Maraming empleyado ang nakarinig na ng acronym na "AWOL" o "Absent Without Official Leave," ngunit hindi lahat ay lubos na nauunawaan ang tunay na posibleng epekto nito sa work dynamics o workflow sa isang opisina o trabaho.
Sa panahong laganap ang stress, burnout, at iba't ibang mga isyu sa mental health at personal na problema, may ilang manggagawang pinipiling hindi na lamang pumasok sa trabaho nang walang paalam. Para bang "boycott" na basta na lang hindi sumisipot sa isang pulong o event.
Ngunit ano nga ba ang maaaring kahinatnan ng ganitong desisyon?
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang AWOL ay tumutukoy sa hindi pagpasok sa trabaho nang walang abiso, pahintulot, o sapat na dahilang ipinaabot sa employer, sa pamamagitan ng pasalita o pasulat na komunikasyon.
Batay pa sa ahensya, mahalagang tandaang hindi lahat ng pagliban sa trabaho ay maituturing na AWOL. Kung ang isang empleyado ay nagkasakit at agad na nakapagbigay ng medical certificate o nakapagpaalam sa kaniyang supervisor, hindi ito sakop ng naturang termino. Puwede siyang mag-file ng tinatawag na "sick leave."
Ngunit kung bigla na lamang itong hindi sumipot sa loob ng ilang araw at hindi makontak ng kompanya, maaari na itong ituring na unauthorized absence at kalaunan ay AWOL, depende sa umiiral na polisiya ng employer.
May iba't ibang dahilan kung bakit nauuwi sa AWOL ang isang manggagawa. Kabilang dito ang problema sa kalusugan, suliraning pampamilya, matinding stress sa trabaho, mental health concerns, hindi pagkakaunawaan sa opisina, o kaya naman ay biglaang paglipat sa ibang kompanya nang hindi dumaraan sa tamang proseso ng pagbibitiw o resignation.
Gayunman, ayon sa mga eksperto sa human resources, mas makabubuting makipag-usap nang maayos sa employer kaysa basta na lamang mawala nang walang anumang paliwanag.
May karapatan ang mga kompanya na magpatupad ng makatwirang mga alituntunin ukol sa attendance at pagliban sa trabaho, basta't naaayon ito sa Labor Code at iba pang umiiral na batas paggawa.
Dahil dito, mahalagang maging pamilyar ang mga empleyado sa mga patakaran ng kanilang kompanya upang maiwasan ang mga problemang administratibo.
Puwede ba agad na matanggal sa trabaho kapag nag-AWOL?
Isa sa mga pinakamalaking maling akala ng ilan ay ang paniniwalang awtomatiko silang matatanggal sa trabaho kapag na-tag na AWOL.
Sa katunayan, ayon sa iba't ibang desisyon ng Korte Suprema, kinakailangan pa ring sundin ng employer ang due process bago tuluyang tanggalin ang isang empleyado.
Karaniwan, kailangan munang magpadala ng notice upang hilingin ang paliwanag ng empleyado bago maglabas ng anumang desisyon kaugnay ng kaniyang trabaho.
Maaari ding magkaroon ng epekto ang AWOL sa mga susunod na oportunidad sa trabaho. Sa panahon ng employment verification at background checking, may mga kompanyang nagsusuri kung paano nagtapos ang employment record ng isang aplikante.
Bagama't hindi ito awtomatikong nangangahulugang hindi na siya matatanggap sa ibang trabaho, maaari itong maging dahilan upang magtanong ang mga recruiter at human resource personnel tungkol sa kaniyang nakaraang employment history, at kung sakaling matanggap, puwedeng magkaroon ng close monitoring o micro-management sa nabanggit na empleyado.
Kaya naman, patuloy na nagpapaalala ang labor experts na kung nais nang umalis sa isang kumpanya, mas mabuting dumaan sa tamang proseso ng resignation. Dapat, ito ay "graceful exit" pa rin.
Hindi lamang nito pinoprotektahan ang record ng empleyado laban sa mga posibleng problema sa hinaharap, kundi nakatutulong din itong mapanatili ang magandang propesyonal na reputasyon. Sabi nga, "don't burn bridges" lalo na kung maliit lang ang industriya ng napiling propesyon o karera.
Tatandaan din, ang pagfa-file ng pagliban ay pagpapakita ng mataas na antas ng propesyonalismo at work ethics.
Kaya bago magpasyang basta na lamang mamboycott, mang-ghosting, mang-iwan sa ere, o maglaho sa opisina na parang bula, makabubuting timbangin muna ang mga posibleng kahihinatnan at piliin ang mas maayos at propesyonal na paraan ng pag-alis.