Mariing nagbabala sa publiko ang Department of Science and Technology (DOST) Food and Nutrition Research Institute tungkol sa panganib na maaaring idulot ng posibleng pagkain ng mga tao ng itlog ng mga langaw o ni “Vanessa” mula sa patok nang video skit sa social media.
Ang kontekstong “Vanessa” at naging paglalapit ng pangalang ito sa mga langaw ay nagmula sa ideya ng content creator na si BAET kung saan isa si Vanessa (langaw) sa mga sikat na niyang karakter sa mundo ng internet.
Kasama ni Vanessa sina Sharmaine (prutas na orange) at Melanie (prutas na abogado).
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga sustansyang dulot ni 'Sharmaine'
Sa naging pahayag ng DOST-Food and Nutrition Research Institute sa kaniyang Facebook page noong Martes, Hunyo 2, 2026, sinabi nilang maaari daw magdala ang si Vanessa ng 100 na pathogen, kasama na ang mga virus, bacteria, fungi, at parasite sa mga pagkain ng mga tao.
Anila, karaniwan daw kasing kumakain at nagpaparami ang mga uri ni Vanessa sa dumi ng iba pang hayop, nabubulok na bagay, at maging sa pagkain mismo ng isang indibidwal.
“Ang mga langaw ay karaniwang kumakain at nagpaparami sa mga dumi ng hayop, mga nabubulok na bagay, at maging sa pagkain mo. Kung dadapo sila sa kinakain mo, malaki ang posibilidad na hindi pagkain ang huli nilang pinanggalingan,” saad nila.
Dagdag pa niya, “At dahil hindi sila nakangunguya ng pagkain, dumudura sila ng laway na may mga upang matunaw ang pagkain bago nila ito sipsipin.”
Photo courtesy: DOST
Pagpapatuloy nila, aabot daw sa 300 ang bawat pangingitlog ni Vanessa at mahirap daw makita ang mga itlog niya sa pagkain ng mga tao.
“Kumpul-kumpol kung mangitlog ang langaw (umaabot sa halos 300 na itlog kada pangingitlog). At mahirap makita ang mga ito dahil umaabot lamang sa humigit-kumulang 1.2 mm ang kanilang laki,” ‘ika nila.
Paliwanag ng DOST, “[A]ng mga itlog ng langaw ay kadalasang puti o dilaw at nagmimistulang mga maliliit na butil ng bigas. Mula sa pangingitlog, napipisa ang mga ito sa loob lamang ng isang araw.”
Paalala nila, mahalaga raw na kilatisin muna ng publikoa ang kanilang mga kakainin lalo na kung matagal na naiwanang walang takip ang lalagyan ng isang pagkain.
“Kung kakain sa labas, kilatisin ang pagkain lalo na kung matagal itong naiwan na walang takip. Upang maiwasan ang pagkasira at pag-aaksaya ng pagkain sa tahanan, panatilihing nakatakip ang pagkain, bawasan ang sobrang sa paligid, at regular na linisin ang mga kanal at basurahan,” pagtatapos nila.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ni Vanessa kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Para kay Sharmaine: Ano ang notaryo at bakit kailangan nito?