SA edad na 38, single pa rin si Direk Irene Villamor, ang filmmaker ng mga patok na romantic movies tulad ng Meet Me in St. Gallen, Sid & Aya (Not A Love Story), at Camp Sawi.
Ang latest project niyang Ulan ay pinagbibidahan nina Nadine Lustre at Carlo Aquino, at showing na sa March 13.
Bakit walang love life ang mahusay magpakilig na si Direk Irene?
Natawa siya sa tanong namin.
“Magulo ‘yan po, eh. Ayaw ko ng love life. Trabaho lang. Saka wala namang nanliligaw sa akin. Marami akong gustong ligawan kaso ayaw nila sa akin,” tumatawa pa ring biro niya.
“Work, work lang ako. Hindi ko na nga alam kung anong gagawin ko these days, ngarag ako,” aniya.
Gusto ring makatrabaho ni Direk Irene sina Piolo Pascual, Sharon Cuneta, at Judy Ann Santos.
Speaking of Piolo, magkakasama sila kamakailan nina Direk Irene, Direk Joyce Bernal at Bela Padilla sa pagba-bonding sa tabing-dagat, na pribadong pag-aari ng aktor. Hindi na lang namin matandaan kung saan banda ito sa Batangas.
“Ang layo pala no’n, apat na oras ang biyahe, gabi na ako dumating,” kuwento ni Direk Irene.
Biniro namin siya na mukhang nakabuo na naman sila ng project.
“May mga konsepto po si Bela, pero hindi pa napag-uusapan nina Direk Joyce, kasi nag-poetry reading kami. Mga trip lang habang nagsa-sunset. Tapos may musicians, may mga in-invite silang musicians, so habang nagbabasa ka ng tula may tumutugtog,” kuwento pa ng direktor.
Back to Ulan, bukod kina Nadine at Carlo, mapapanood din sa pelikula sina Marco Gumabao, AJ Muhlach, Ella Illano, Joseph Elizalde, at Perla Bautista mula sa Viva Films.
-REGGEE BONOAN