August 26, 2026

Home BALITA National

Lumilinta, pumepeste sa pera ng mga manggagawa! Rep. Eli, binira si Ivana sa pag-promote ng sugal

Lumilinta, pumepeste sa pera ng mga manggagawa! Rep. Eli, binira si Ivana sa pag-promote ng sugal
Photo courtesy: via MB

Bumuwelta si Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando sa aktres at content creator Ivana Alawi matapos niyang maging sentro ng kaniyang pahayag sa pagdinig sa Kamara kaugnay ng regulasyon sa online gambling promotions.

Sa isang pahayag, nilinaw ni San Fernando na hindi ang pagtulong ni Alawi o ang mismong personalidad nito ang kaniyang tinutuligsa, kundi ang pagpo-promote ng online gambling, partikular ang promosyon na naging dahilan upang pagmultahin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang isang online gaming company.

“Itong si Ms. Ivana Alawi naman e nagsumbong agad. Naging example lang sa budget hearing e pinatira na ako ng fake news sa mga vlogger na nasa payola ni CONG," aniya sa kaniyang Facebook post noong Martes, Agosto 25.

Agad namang nilinaw ng mambabatas ang kaniyang punto at direktang binanggit si Alawi.

“Linawin ko lang: hindi naman ikaw, Ivana, o kung ano mang pagtulong mo ang mali kundi ANG PAG PROMOTE NIYO NG SUGAL na LUMILINTA at PUMEPESTE sa PINAGHIRAPANG PERA ng mga MANGGAGAWA at ordinaryong Pilipino.”

National

PBBM, ipinag-utos agarang pagresolba sa isyu ng delayed ₱10k cash gift sa senior citizens

“Mula 2024, walang ads at hindi naka-monetize itong page ko. At kahit kelan DI AKO MAGPOPROMOTE ng pesteng online sugal gaya niyo," aniya pa.

Photo courtesy: Screenshot from Eli San Fernando/FB

Matatandaang naging usapin sa House Committee on Appropriations hearing noong Lunes, Agosto 24, ang giveaway na tampok si Alawi, kung saan ipinamahagi ang 100 iPhone 17 bilang bahagi ng promotional campaign ng isang online gaming company.

Ayon sa mga ulat, kailangang mag-engage ang mga participant sa social media at sundin ang page ng online gaming platform para makasali sa promo. Itinuro ni San Fernando ang naturang campaign bilang halimbawa ng mga content creator na umano'y hindi sumusunod sa mga itinakdang regulasyon sa pagpo-promote ng online gambling.

Kinumpirma naman ni PAGCOR Chairperson at CEO Alejandro Tengco na ₱1 milyon ang ipinataw na multa sa gaming company matapos isagawa ang promotional campaign nang walang kinakailangang approval mula sa regulator. Iniutos din ang pagtigil sa promo at nagbabala ang PAGCOR na maaaring mas mabigat ang parusa sa mga susunod na paglabag, kabilang ang posibleng suspensyon o pagkansela ng lisensya.

Sa hearing, sinabi rin ni San Fernando na dapat mas mahigpit na bantayan ang mga influencer at content creator na nagpo-promote ng online gambling, lalo na dahil malawak ang naaabot ng kanilang mga social media platforms.

Maki-Balita: Ivana Alawi, dinagsa dahil sa pamimigay ng 100 pirasong cellphones!

Samantala, ang ₱1 milyong multa ng PAGCOR ay partikular na ipinataw sa online gaming company dahil sa promotional campaign na isinagawa nang walang approval. Hindi nito nangangahulugang pinagmulta ng PAGCOR si Alawi mismo.

Maki-Balita: PAGCOR, pinagmulta ng ₱1M ang online gaming company dahil sa pamimigay ni Ivana ng cellphone

Bagama't walang direktang pahayag, nagbahagi naman ang aktres ng isang post kung saan makikitang abala siya sa pag-repack ng relief goods para sa mga nasalanta ng baha dahil sa mga nagdaang pananalasa ng bagyo at habagat.

“Busy lang mag repack ng relief goods," aniya.

Kasunod nito, itinanong niya kung ano na ang nangyari sa mga flood control project ng bansa at sa bilyon-bilyong pisong pondong inilaan para rito.

“Kayo po, kamusta na kaya ang flood control? Ang bilyon bilyong pondo?”

Iginiit din ni Ivana na hindi dapat makalimutan ang mga Pilipinong patuloy na nakararanas ng epekto ng pagbaha.

“Habang may Pilipinong lumulubog sa baha…. Sorry, hindi kami makakalimot," aniya.

Nanawagan din ang aktres na huwag umanong hayaang malihis ang atensyon ng publiko sa mga usaping itinuturing niyang mas mahalaga.

“Wag tayo gumawa ng ibang issue para matakpan ang mga pinaka importanteng issue.”

Sa huli, iginiit niya ang pangangailangan ng konkretong aksyon at solusyon.

Maki-Balita: Banat ni Ivana: Wag gumawa ng ibang issue para matakpan mga pinakaimportanteng issue!'

Maki-Balita: Kahit nakaladkad sa pamigay ng CP: Ivana, nangalampag sa flood control!