August 25, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Banat ni Ivana: Wag gumawa ng ibang issue para matakpan mga pinakaimportanteng issue!'

Banat ni Ivana: Wag gumawa ng ibang issue para matakpan mga pinakaimportanteng issue!'
Photo courtesy: Screenshots from Ivana Alawi/FB

Usap-usapan ng mga netizen ang pasaring ng aktres at social media personality na si Ivana Alawi, sa kasagsagan ng pagdawit sa kaniya sa kontrobersiya ng online gaming promotion na nauugnay sa kaniyang pamimigay ng mamahaling cellphone.

Nagpahayag ang aktres ng kaniyang pananaw at saloobin tungkol sa kalagayan ng mga Pilipinong apektado ng baha, dahil sa pananalasa ng bagyo at southwest monsoon o habagat sa mga nagdaang linggo.

Sa kaniyang Facebook post ngayong Martes, Agosto 25, sinabi ni Ivana na abala siya sa pagre-repack ng relief goods para sa mga nasalanta at tila hindi alintana ang pang-iintriga sa ginawa niyang pamimigay ng cellphones.

“Busy lang mag repack ng relief goods," aniya.

Kasunod nito, itinanong niya kung ano na ang nangyari sa mga flood control project ng bansa at sa bilyon-bilyong pisong pondong inilaan para rito.

Tsika at Intriga

Kahit nakaladkad sa pamigay ng CP: Ivana, nangalampag sa flood control!

“Kayo po, kamusta na kaya ang flood control? Ang bilyon bilyong pondo?”

Iginiit din ni Ivana na hindi dapat makalimutan ang mga Pilipinong patuloy na nakararanas ng epekto ng pagbaha.

“Habang may Pilipinong lumulubog sa baha…. Sorry, hindi kami makakalimot," aniya.

Nanawagan din ang aktres na huwag umanong hayaang malihis ang atensyon ng publiko sa mga usaping itinuturing niyang mas mahalaga.

“Wag tayo gumawa ng ibang issue para matakpan ang mga pinaka importanteng issue.”

Sa huli, iginiit niya ang pangangailangan ng konkretong aksyon at solusyon.

Photo courtesy: Screenshot from Ivana Alawi/FB

Ang pahayag ni Ivana ay inilabas kasabay ng pag-uulat tungkol sa naging hakbang ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) laban sa isang online gaming company na konektado sa kaniyang cellphone giveaway.

Noong Lunes, Agosto 24, napaulat na pinagmulta ng PAGCOR ng ₱1 milyon ang isang online gaming company dahil sa isang promotional campaign na tampok ang pamimigay niya ng 100 high-end smartphones. Iniutos din ng regulator na itigil ang naturang promosyon.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2027 budget ng PAGCOR sa parehong araw, binanggit ni Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah “Eli” San Fernando ang cellphone giveaway ni Ivana bilang halimbawa ng mga promotional activity ng influencers na dapat umanong masusing bantayan.

Ayon sa ulat, kailangang mag-like o sumunod sa social media page ng online gaming platform ang mga nais lumahok sa giveaway.

Sinabi naman ni PAGCOR Chairperson at CEO Alejandro Tengco na ipinataw na ang ₱1 milyong multa at pinahinto ang naturang promotional activity dahil hindi ito dumaan sa kinakailangang pag-apruba ng ahensya. Binalaan din niya ang kumpanya na maaaring mas mabigat na multa, suspension, at kalaunan ay pagkansela ng lisensya ang kaharapin nito kapag naulit ang paglabag.

Matatandaang naging viral ang video ni Ivana kung saan ipinakita niya ang pagbili ng 100 iPhone 17 para sa kaniyang followers. Ayon sa naunang ulat, lumampas sa ₱4 milyon ang halaga ng mga cellphone.

Ang giveaway ay bahagi ng pagdiriwang ni Ivana matapos umabot sa 50 milyon ang kaniyang Facebook followers. Gayunman, umani rin ito ng batikos mula sa ilang netizen dahil sa pagkakaugnay nito sa online gambling promotion.

Hindi pa malinaw kung nakatakda rin bang ipatawag sa pagdinig si Ivana o magkakaroon din siya ng sanction dahil sa pagiging endorser ng online sugal.

Maki-Balita: Kahit nakaladkad sa pamigay ng CP: Ivana, nangalampag sa flood control!