Pinatawan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng ₱1 milyong multa ang isang online gaming company dahil sa pagpapamudmod ng 100 pirasong iPhone 17 ng actress at vlogger na si Ivana Alawi.
Sa ginanap na pagdinig ng Committee on Appropriations sa House of Representatives noong Lunes, Agosto 24, binanggit ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando ang ilang content creators na nagpo-promote ng sugal nang hindi sumusunod sa regulasyong itinakda ng (PAGCOR).
“Halimbawa,” sabi ni San Fernando, “pinakasikat po, Ivana Alawi. Mamimigay ng isandaang iPhone 17. Pero hindi pala kusang ibibigay ‘yon. Dapat ikaw muna ay mag-subscribe o mag-like do’n sa isang online gaming platform.”“At wala pong kahit isa dito ‘yong pagsunod doon sa sinasabing pinag-uusapan natin kanina: ad standard council, mayro’ng approval po mula sa PAGCOR,” dugtong pa niya.
Mayroon din umanong content creator na hindi naglalagay ng babala sa kanilang promo na ang pagsusugal ay nakakaadik, gaya raw ni “Galawang Osas Bata” na may milyon-milyong followers.
Kaya tanong ni San Fernando, “Papaano po ini-implement o ini-exercise ng PAGCOR ang kaniyang regulatory power over this content creators and influencers?”
“We fined the online gaming company ₱1 million and, together with that, gave them a stern warning na hindi na dapat maulit ito,” saad ni PAGCOR Chairperson Alejandro Tengco.
“Kung mauulit ito,” pagpapatuloy niya, [there will be a] heavier fine, and the possibility that it can lead… another violation can lead to the suspension and ultimately, the cancellation of their license.”
Matatandaang umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa mga netizen ang pamimigay ni Ivana ng iPhone 17. Ngunit sa kasalukuyan, kung bibistahin ang kaniyang Facebook page, hindi na makikita pa ang naturang video.
Maki-Balita: Ivana Alawi, dinagsa dahil sa pamimigay ng 100 pirasong cellphones!
Samantala, sa isyu naman ng content creator tulad ni “Galawang Osas Bata,” kabilang umano ito sa 50% na hindi lisensyado sa ilallim ng PAGCOR.
Kaya nilinaw ni Tengco na wala silang hurisdiksyon sa operators ng mga online gaming na ito.
Ang magagawa lang daw nila ay makipag-uganayan sa mga ahensyang tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) para idemamda sa korte ang mga ito.