Muling pinag-uusapan sa social media ang actress-vlogger na si Ivana Alawi matapos niyang ihayag na mamimigay siya ng 100 pirasong iPhone 17 sa kaniyang mga tagasuporta bilang bahagi ng kaniyang pinakabagong giveaway.
Sa post ni Ivana noong Hulyo 15, makikitang bumili si Ivana ng daan-daang kahon ng pinakabagong modelo ng iPhone. Ayon sa mga post na nag-viral, ang lahat ng 100 unit ng iPhone 17 ay ipamimigay niya sa mga mapipiling followers at supporters.
Dahil dito, umani ng matinding atensyon ang giveaway at mabilis na naging usap-usapan sa iba't ibang social media platforms. Kung bibisitahin ang post, umabot na nga sa million views ito, million reactions, at million comments. Grabe talaga!
Kahit ang mga celebrity, nakisakay na rin at nagbaka-sakaling baka mapansin ni Ivana, kagaya na lang ng Kapamilya singer at tinaguriang "Mowm" na si Klarisse De Guzman, na nakasama ni Ivana sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" season 1 kung saan pumasok si Ivana bilang house guest.
Hindi na rin bago para kay Ivana ang mamigay ng mamahaling regalo sa kanyang mga tagahanga. Noong 2025, naglaan din siya ng mahigit kalahating milyong piso para bumili ng mga smartphone na ipinamigay sa kanyang followers bilang bahagi ng kanyang online content at giveaways.
Si Ivana ay isa sa pinakamalalaking social media personalities sa bansa. Bukod sa kaniyang karera bilang aktres, mayroon siyang mahigit 20 milyong subscribers sa YouTube at milyon-milyong followers sa iba pang social media platforms.